Tsapter

Martes, Agosto 30, 2011

Sya at Ako

Ako: Ui may joke ako.
 
Sya: Anu yun?

 
Ako: Joke lang! Hahaha... Wala talaga akong joke.

 
Sya: Baliw!

LongKOWTS

"May mga bagay na kailangang iexaggerate para maintindihan ng iba." ~IpakosaKrus!

Linggo, Agosto 28, 2011

Sya at Ako

Ako: Ang hindi ko Maintindihan, Magtatapo na ang taon, Hindi pa rin nagbabago ang pambansang Laro ng Pilipinas.
Sya: Sepak???
Ako: Sepak ka diyan, Sepakin ko mukha mo gusto mo?
Sya: Anu pala, eto naman nagtatanung lang.
Ako: DOTA!!! Mukha na ngang mga Elves, Orcs at Undead yung mga mukha ehhh..
Sya: Masyado ka naman, Hindi naman lahat.
Ako: Uo, kasi ikaw nilalaro mo Farmville! makikiuso ka lang.

LongKOWTS

"Ang mga magulang talaga pagka ang anak ay gwapo o maganda masyadong mahigpit. Kaya nga naiintindihan ko ang aking nanay at tatay. E ikaw ba??" ~IpakosaKrus!

WARNING!

Bwahaha...
Dahil sa gusto ko na madami ang magview ng aking blog, ay dadagdagan ko na ito ng mga iba ko pang pakulo. Yung tipong babalikbalikan mo ay uulit-ulitin mo.
Wish ko nga lang ang magustuhan nyo. Alam nyo naman...
Ipako sa Krus!!!

LongKOWTS

"Hindi tama ang mali kung sa maling akala tma ang iniisip. Eh kung ang tama nga ng nagkakamali sa maling akala eh, yun pa kayang tama sa pagkakamali ng pilit nagpapakatama kahit na alam ng ibang mali... Tiba? Tama ba ako o Mali." ~IpakosaKrus

Eksperyens is da best medisin

Kakabadtrip yun nakasakay ko kanina sa Jeep! Kababaeng tao nangungulangot sa harap ng madaming tao! Ano yun PDA huh? PDA?
Ok lang yung una, pinunas nya sa bintana, pero yung pangalawa pinitik sa kasamang kaharap lang! Kita ng mata ko kung paano nya binilog e!
Pagkababa ko pa ng Jeep kamo, eto pa... Si Manong makapaypay sa nilulutong Barbeque Wagas! Tingin nya siguro dun sa harap kong tao, e lamok. Sa bagay mukha naman. Pero hindi e, yung usok talaga makapal pa sa mukha. Mantakin mo ba na yung pawis tumutulo sa niluluto, napaisip ako kaya pala maalat alat...
Dahil sa nangyari yun at bumili na lang ng Muncher at Tattos, yung tigpipiso(nagpabarya lang aktwali). Wala lang trip ko lang para mapawi ang umay ko sa nangyari...

Bwahaha...
Ipako sa Krus!!!
 

Martes, Agosto 23, 2011

Jeepney

      Napakataas na naman ng haring Araw…napakainit…parang palasong tumutusok sa aking anit ang silahis ng malaking liyab sa kalangitan. Sasabayan pa yan ng agos ng maitim na usok galing sa tambutso ng mga nagkakaripasang mga sasakyan sa malaking lansangan na ‘to sa Maynila. Ikinampay ko ang aking mga kamay - akmang sumesenyas para makasakay sa anumang sasakayan na maari kong lulanan para sa aking paglalakabay…walang fx, walang taxi…tinignan ko ang relo - mahuhuli na ako. walang pagaatubiling sinundan ko ang isang jeepney na may karatulang hindi ko na maaninag ang nakasulat sa sobrang kalumaan. Huminto ang jeepney sa harap ko habang malakas kong narinig ang paglaban ng gulong sa pisngi ng sementadong kalsada. Bahagyang tumilamsik ang konting tubig at putik dahil sa pagpatak ng ulan kaninang umaga. 
     Nagmamadali ako at akmang sasakay sa JEEPNEY na aking pinara…Sa harap, dun ang gusto ko, sa may dalawa lamang ang nakaupo. Ngunit naungusan ako ng isang lalaking may hawak ng sigarilyong unti unti nang nauupos…Nakakapikon. bakit hindi ako nauna…bakit ako inunahan…napagtanto ko bakit nga ba parati nating gustong nasa unahan ng jeep…ugali na ba nating makauna sa lahat, makahanap ng lugar na komportable, ng lugar na mapagsarili? Naisipan ko na lang sumakay sa loob ng jeep na kung saan madami nang nakasakay habang ang kilay kong makapal ay nagpapaangabot na sa sobrang kaasaran…Sumakay ako…lahat ay umurong patungo sa bukana ng sasakyan…resulta? sa dulo pa ako napapunta…bakit sila umusog?bakit ko hinayaang sila umusog…ako lang ba ay mapagpaubaya? o sadyang mangmang ako sa karapatan ko bilang isang tao o talaga ganyan lamang ang tao…kasabay kong sumakay sa aking likuran ang isa ring matanda na may kapansanan - iika-ika, hila hila ang mga paang parang lantang gulay sa talipapa…pareho ang nangyari, walang pinagbago, kaming dalawa, magkatabi sa upuang malapit sa nagmamaneho… salamat na lang sa Diyos nakasakay na ako at nakaupo na…kasabay ng pagpunas ko sa pawis ko gamit ang panyong nangingitim na rin dahil sa kadum’han, inabot ko ang baryang kanina pa kumakalansing sa aking bulsa. 
     "Manong bayad po", sabay bigay sa mamisong barya…manong bayad ko ho…sabi ng isang nasa likod…manong bayad, bayad, manong, abot, makikiabot,bayad.Sunod sunod na salitang aking narinig. may isang nasa malayo na nakatingin lamang sa bintana ng jeep, parang nagbibingibingihan, walang naulinig kahit na napakalapit…Bingi ba o sadyang hindi pinansin? mahirap bang iabot at iangat ang ating mga kamay para sa pag-abot ng ilang gramong barya? Ako na umabot ng barya at binigay sa driver na sa pagkawari ko’ y isang linggo nang hindi na naliligo dahil sa amoy na aking nasasagap kasabay ang pagbangga ng jeep sa hindi makitang hangin. Natahimik nang saglit ang loob ng jeepney pero ubod lakas pa rin ang pagtakbo ng makina ng sasakyan…dahil sa nakakabinging ugong ng sasakyan na’to kahit sa katahimikan ng loob, ang mga mata ko’y umikot sa kabuuan nito…May nakaputi - nursing student marahil - nagaaral parang may exam - hinahanda ang sarili para sa pag-abot ng pangarap sa pamilya…May magkasintahan - sobra sa kaswitan - nagkikilitian, naghahalikan sa gitna ng madla…na hindi ko naisip at nagawa nung aking kabataan…May madungis na manggagawa-parang galing sa trabaho hawak ang pansit na mainit para sa anak na naghihintay sa kanyang simpleng pasalubong - akap akap, pinoprotektahan - nakakaantig….Isang mag-ina - ang anak ay pulos pukol ang tanong at turo sa bawat madaanan ng sasakyan habang banas na pinagbabawalan ng ina ang anak na hwag ilabas ang kamay—mapuputol daw ito - …parang mama ko dati…napangiti ako…nang biglang huminto ang sasakyan nang hindi inaasahan…pula na ang traffic light pagkasilip ko sa dungawan…
     Habang binabalik ko ang aking ulo patungo ulit sa kalooban ng jeep, may batang sumakay, pinunasan ang mga sapatos, tsinelas, paa ng bawat madaanan niya patungo sa loob gamit ang basahan na kanyang tangan tangan…"barya lang po…pangkain lang po" pakiusap niya… ang hirap ng buhay… binigay ko ang Jolibee burger ko na hindi ko naubos kanina sa kanya…napangiti ang kanyang mga mata…parang anghel na naliwanagan ng biyaya habang nakatingin ang mga ibang pasaherong parang nahihiya dahil sa pagtanggi sa pagbigay na unti nilang barya…nagmamadali siyang bumaba sabay sigaw "Pogi, salamat!". Napangiti lang ako…ngunit di pa man nakakaalis ang sasakyan may dalwang bata na nag uunahang sumakay at inulit ang ginawa ng una…nanghingi din ng pangkain, kahit ng barya lang… hindi ko alam kung dapat pa ako magbigay? hanggang saan ba dapat tayo magbigay…pangaabuso o sadyang mahirap lang talaga ang ating buhay. Umandar ang sasakyan, nagmamadali din namang bumababa ang dalawang batang madungis na walang napala sa panlilimos nila…Tuloy ulit ang byahe, nakakapagod, nakakabugbog ng katawan lalo na pag laging dumadaan ang jeepney sa bako-bakong kalsada. Habang umaandar kami, tuloy naman ang buhay sa loob. 
     May ingleserang babae na nakikipagusap sa teleponong ubod ingay - kahit mali ang grammar, todo sa pagsalita na parang armalayt ang bibig…, may lalakeng tingin ng tingin sa katabing babae na nakasuot ng maikling palda - ang mukha ng babae ay di pantay sa kulay ng kaleeg-leegan…ang iba’y tahimik, ibay tulog, iba’y nakatingin sa labas, nakatakip ang ilong dahil sa usok…iba’y nakasabit ang kamay sa tubo ng jeepney sa kaitaasan…waring natatakot na mabuwal sa pagpreno ng jeepney…maraming mukha…maraming buhay…maraming maskara…maraming pakikisamahan…ganito na siguro talaga ang buhay….parang jeepney - madaming makikita, madaming makikilala, madaming maaalala, madaming maiisip, madaming mapagtatanto, madaming magagawa, madami rin namang di magagawa… hay..buhay nga naman…pati jeepney salamin ng katotohanan…. salamin ng ating kakulangan at kasalanan….DULO NA HO TO?!!!! nabigla ako nang narinig ko ito…bumilis ang tibok ng aking puso…dulo na? hangganan? hindi dito ang dapat kong patunguhan…hindi pa? hindi… San po ang byahe niyo ma? tanong ko…"kakaliwa na ako!" Nagsisibabaan na ang mga tauhan ng buhay sa jeepney…hindi po ba to dederetso?….iba sakyan mo iho… dun ka sa kabila…nakakatawa,nakakaasar, nakakalungkot….mali ang nasakyan ko…parang buhay hindi mo alam kung saan ka dadalhin…san ka patutungo…bumababa ako ng jeepney….
     Nanghihinayang pero gaya ng buhay kailangang matuto…Kailangan ko nang tumawid sa kabila at sumakay ng panibagong jeep ng buhay kasama ang mga panibagong mukha ng ating realidad…dumudukot ako ng beinte pesos sa aking pitaka…Hindi alintana kung sino mang masagasaan o masaktan, nang may biglang bumunggo sa akin sa harap…Nalaglag ang iba kong gamit at ilang barya…Kumunot ulit ang aking noo..kumunot…kumunot…Ngunit ang gusot ay nawala nang makita ko ang isang babae na humihingi ng paumanhin sa akin…napangiti ako…nawala ang pagod… Isang estrangherong nakapagpagaan ng loob ko…balingkinitan at may nangungusap na mata… Ang dati kong crush nung high-school at muntik ko nang naging girlfriend kung di ko lang inuna ang scholarship ko… nakakagaan ng loob…Minsan dapat ka din dapat palang maligaw para makatagpo ng isang bagay na hindi mo na inaasahan na makapagbibigay ng kakaibang kasiyahan… Pangako sasakay ako ulit ng jeepney ng buhay lalo na ngayong kasama ko siya sa pag-angkas.

Ipako sa Krus!!!
Bwahaha...
Hmmm...
Ikalat nyo nga daw po itong blog ko... Para masaya at makapag post pa ako ng marami. Salamat!!!
Hahaha...

Lunes, Agosto 22, 2011

Ikaw na Da best ka kamo e...

     Heto na naman po ako. Manggugulo. Magngingitngit. Sisigaw (As in!). At manunumbat sa mga taong loko-loko pa sa akin. Hindi ko ba alam kasi ang mga Pilipino, masyadong mapripride. Alam mo yun??? At isa na ako dun. Halata naman e. 
     Meron kasi itong isang taong to, masyadong mapapel sa buhay ng iba. Magaling (Kuno). Mabait (Echos lang!). Matalino (Wehhh...) at nagmamagaling sa lahat ng bagay ayon sa propesyonalismo at estado ng karunungan ng isang tao. Hindi ko talaga mawari ang paguugali nya. Masyadong wild kasi. Nakakatakot na mukha, pudpos na labi at malabutas na alkansyang mga mata. Isama mo ang mga path holes sa gawing gitna ng mukha.
     Oo, natakot ako. Nabahala sa mga planong gagawin nya. Baka mawalan na naman ako ng tiwala sa sarili kung sakaling ganun nga sa iniisip ko ang gagawin nya. Yung tipong pagdidikta ng kung anong nararapat sa sarili. Masakit isipin ang pagkakataongganun. Hindi ikaw ang bahala sa sarili mo pero kapakanan ng ibang tao ang iniisip mo. Yun lang naman kasi e. May mga bagay na hindi nya matanggap sa sarili, na katanggaptanggap naman sa ibang tao. Kung iisipin sya dapat ang ipako sa krus e, dahil masahol pa sa pagkakasala ang ginawa nya. Masyado syang naiinggit sa katayuan ng iba, bumabase ng kagalingan sa sarili. At Oo din, may galit ako sa kanya na hindi naman dapat. Kasi kailangan ko syang tulungan, iwaksi yung paguugaling meron sya. Pero kung ayaw nya, OK lang. Antayin nya na lang ang masakit na bagay na darating sa kanya upang mapagbago sya. Totoo naman yun "Ang pinakamabisang gawain para mabago ang isang tao ay sa pinakamasakit na paraan."  Dumating lang siguro ako sa buhay nya bilang kaaway, kakumpetensya, at mortal sa War...
     Hmmm... Sino ba kasi itong tinutukoy ko? Ah... Eh... Ewan! Basta manghula ka na lang. Madali lang lang naman alamin ang katangian ng iba kung kilala mo sya. Kumbaga sa pagaaral master mo na dapat ito sa mga taong kalapit mo sa kamatayan. Pero aayon pa rin ako sa pagkakakilanlan ko.
       O sige clue... May katangian syang tamad. Gwapings/maganda. Nagseserts na lang sa Google ng mga assignment at Research na kung anik-anik. Minsan na syang naligaw na landas. Hala Slow lang??? Oo kaya! Ikaw ang tinutukoy ko... Ikaw na rin siguro ang dahilan bakit ako nagtatayp. Ipako ka sa Krus!!!

Mabuti pa nga...

Mabuti pa ang kalendaryo, may date.
Mabuti pa ang school, may chemistry.
Buti pa ang chemistry, may lab.
Buti pa ang fireworks, may spark.
Bakit ako lagi na lang nag-iisa.

Buti pa ang test paper, sinasagot.
Mabuti pa ang math problem, pinag iispan.
Buti pa ang bees, may honey.
Buti pa ang farm, may chicks.
Buti pa ang halaman, may nag aalaga.
Mabuti pa ang bulaklak, blooming.
Buti pa ang salamin, minamasdan.
Pero bakit ako lagi na lang nag-iisa.

Buti pa ang lungs, malapit sa puso.
Buti pa ang nawawalang gamit, hinahanap-hanap.
Mabuti pa ang kotse, mahal.
Buti pa ang unan, yakap mo sa gabi.
Buti pa ang assignment, inuuwi.
Buti pa ang keyboard, may type.
Buti pa ang film, nadedevelop.
Buti pa ang galosina, nagmamahal.
Mabuti pa ang telepono, hine-hello.
Buti pa ang basketball, may ring.
Buti pa ang soccer, may goal.
Buti pa si Michael Jackson, may moves.
Buti pa si Kobe Bryant, nakakascore.
Bakit ako lagi na lang nag-iisa.

Mabuti pa ang probability, may chance.
Buti pa ang hersheys, may kisses.
Buti pa ang hininga, hinahabol.
Buti pa ang tindera, nagpapatawad.
Mabuti pa ang pera, iniingatan.
Buti pa ang report, may objective.
Buti pa ang patay, dinadalaw.
Buti pa ang nakakulong, binabantayan.
Buti pa ang radyo, pinapakinggan.
Mabuti pa ang poste, steady.
Buti pa ang araw at buwan, consistent.
Buti pa ang Rosary, may mystery.
Buti pa ang bagoong at kare-kare, pinagsasama
Buti pa ang sapatos, may kapares.
Mabuti pa ang stationary, personal.
Buti pa ang sandwich, may fillings.
Dahil ako, parang notebook; filler lang.
Bakit ako lagi na lang nag-iisa.

Ipako sa Krus!!!
Bwahaha...

Linggo, Agosto 14, 2011

Dapat! Dapat talaga! Paramis...

            Masaya naman ang gising ko araw-araw. Pero hindi ko malaman kung bakit ngayong araw, parang matamlay. Walang gana. Parang hindi ko mafeel tulad ng mga nagdaang araw na overflowing happiness, at wagas na kakatawa. Parang may kulang. Parang may hinahanap akong isang kasagutan. Pero ano yun? Hindi ko alam... Basta ang alam ko kakain ako. Kailangan kong lagpasan itong nakakagoryong araw na ito.
            Nakasakay na ako ng Jeep, na malayo pa rin ang tingin. Malungkot kung baga. Si Manong hala sige kakasigaw. Apat pa daw at lalarga na ang Jeep. Tumingin ako sa paligid. Paanong naging apat pa e, halos inipit ko na nga ang paghinga magbigay puwang lang sa babaeng katabi ko. Maganda sya pero mabaho. Oo, Hindi lahat ng maganda ay mabango. Amoy kasing bagoong. Yung katapat ko naman si kuya. Lumba-lumba. Hindi na naawa sa katawan. At hindi papaawat na pati sa Jeep sige ang pagsunggab ng pagkain. Inisip ko, sya ang dahilan kung bakit, apat pa ang hinahanap ni kuya. Sya ang dahilan kung bakit ako nagtitiis ngayon. Ipako sya sa Krus!
            Umandar na ang Jeep, tulad pa rin ng mga nasaksihan kong imahe ng tao sa loob ay ganun pa rin. Ang iba'y nakatunganga, parang malayo ang iniisip. Mas mukhang Problemado sa akin, sa sitwasyon, sa mukha. Nag palipad ng salita ang matanda sa gawing unahan. Bayad daw. Pero ang katabi nito'y parang walang narinig. Nagngitngit si matanda. Pinagalitan tuloy yung nakaunipormadong lalaki. Naginit ang tenga't inabot na rin. Si matanda, hindi pa rin matigil. Dakdak ng dakdak. Iba na daw talaga ang panahon ngayon...
            May sumigaw pa muli, isa pa, dalawa, tatlo... Sabay-sabay nang lumipad ang mga salitang tila pambansang linya sa loob. Bayad po. Nang matapos na lahat sa kanikaniyang responsibilidad sa loob, ay bumalik sa kaninang mukha. Malungkot. Tahimik.
             Nasa kalagitnaan ako ng pagiisip ng may sumigaw. Para! Tinig iyon ng isang kagalang kgalang na tao sa gawing gitna. Parang empleyado ng isang malaking kumpanya. Ngunit si manong, hala tuloy sa pagpapatakbo. Sumigaw pa uli. Para ho manong!. Hindi pa rin narinig. MANONG PARA HO!!! bahagyang lumakas ang boses, galit. Napukaw ang binging si Manong tsaka tumugon. Saglit po, itatabi ko lang, bawal po kasi dito e. 
            Sa loob nga  naman talaga ng Jeep, walang kinikilalang tao. Oras na pumasok ka sa loob ay kapantay mo na ang lahat. Walang mayaman, walang mahirap. Walang Engineer, walang businessman. Lahat ay pantay-pantay. Sumakay ka e, makibagay ka. 
            Muli akong tumango, naliwanagan. Ang tanong na lumululan ng aking isipan ay nasagot. Bagat hindi sa pangkalahat na aspeto. Pero sa iisang punto. Tumpak! May kasagutan na ko.
            Napagtanto ko, na ang Jeep ay halintulad sa Buhay. Ang Jeep ay salamin din ng katotohanan. Matututo kang sumakay sa hirap ng buhay. Makiugnay sa mga taong magiging parte ng iyong pagkatao. Sa masikip, makitid na lugar na ito. Sa lugar kung saan, dito kayo komportable, kung saan dito kayo magtatagpo, kung saan dito kayo pantay-pantay.
              Dito na aho ako liliko, sigaw ni Manong. Hangganan kung saan, kailangan kong lumipat ng mundo, upang makilala, maipakita, makisalamuha sa iba. Sa ibang mundo kung saan. Ako ay BIDA...


Bwahaha...
Ipako sa Krus!!!
          


Ang Peborit kong Mananahi

"Pag nagsulat ba ako, babasahin mo??"

Ang isang manunulat ay mananatiling buhay sa pagsulat hanggat may wika at may winawaksi itong salita. At bilang isang mananahi ng masa, may mga nakapatong din na pabuya sa ulo ko... Este nakapatong na responsibilidad sa akin. At Take note, Required ito kahit na wala akong gana. Kasi naman e, sa iyo nakasaalang alang ang magiging itsura nila. Ang responsibilidad mo bilang mananahi na tatapal sa mga gasgas at butas na gawa ng kanilang kasakiman. Imagine, pagbutas ba ang damit mo ipapatahi mo pa. Dalawa lang ang pagpipilian mo nun. Itapon at ipamigay. At ang pinakamabigat sigurong pangangatawanan mo e ang sira ng gumagamit ng damit. Paano ito nasira? Paano ito madaling nangupas? Paano nauwi ito sa pagiging basahan bagama't signiture ito, at Mahal pa sa isangdaang kahon ng tuyo. At depende pa ito sa gumagamit. Ikaw ba naman nagsusuot ng puting damit sa trabaho mong puso negro tubers. Yung humihigop ng Jurbaks at ilalagay sa tangke. Sarap nun Men... Amoy pa lang ulam na.
Hahanap ka ng lugar para pagtahian, gagawa ng karatula para malaman ang direksyon ng iyong patahian, advertisment, kasama na ang mga babayaran mong Manggogoyo para dumami ang customer. Ang daming trabaho! Pero para sa serbisyong totoo at wagas na dedikasyon sa propesyong napili, kailangan kang magtiis. Kailangan kang maghanap ng paraan para lumago ang imbakan mo ng mga retaso. Magsisimula ka sa pinakaugat ng puno, sa pinakailalim. At syempre parte dito yung assistant mo, yung nagbuhat ng mga nilpat mong kagamitan sa bago mong tirahan, sa bago mong mundo.
Makikipagsabayan ka nyan sa malalaking patahian na parang dinuduro ka, dahil nga trying hard ka. At bago ka mafrustate, isipin mo lahat ng bagay sa simula lang may magandang simula at mababang paninimula. At ang kailangan mo lang maging pantay.
Hindi ka rin naman ituturing na isang mananahi kung wala kang nagawang damit para isusuot ng iba, yung gagamitin mong modelo, ang iyong instrumento. Dahil pag ito sumikat, damay ka. Hanggang sa magbago ang lahat at ang dating patahian ay isa na ngayong malaking Lugar ng mga pangarap. Isang patahian na tumutugon sa pangangailangan ng tao. Ang dating mananahi ay tatangkilikin dahil sa kagustuhan nila. Ang dating mananahi na nanghihikayat sa patahian ay ngayo'y nilalapitan na lamang. At hanggang mapunta na sa puntong naging parte na ang patahian ng kanilang buhay. Inspirasyon. Maghahanap ng ispasyo sa buhay upang matuto. Mangangalap ng datos na magpapatuloy ng natutunan...

Hangga't may mananahi, may mga taong tatangkilik at babasa ng iyong mga gawa, ng iyong mga akda. Masyado nang matulin ang takbo ng panahon, may pagbabago pa ngunit hindi ang kabuuan nito.


Ipako sa Krus!!!
Bwahaha...

Miyerkules, Agosto 10, 2011

Paulit-ulit?!

     May punto yung sinabi ng isa kong kaibigan, Simula daw nung sumikat si Vice Ganda, ay konti na lang makakausap mo ng matino. Tama, naman sya e. Sa katunayan lipana na ang mga taong ganyan, yung tipong lahat gustong barahin. Kahit maliit na bagay gustong lagyan paulit ulit na salita. Paulit ulit na paggamit ng Vice gandanians words. Hindi rin natin sila masisisi dahil, sunod lang sila sa uso. Alam mo naman PIlipino tayo. Kahit na hindi bagay, gusto natin makiuso. Wala tayong Originality.
      Oo, tama. May rason naman si Vice ganda. Para mapatawa ang taong hirap tumawa. Almuranas kung baga. Pero hindi naman sa lahat ng bagay, dahil hindi rin naman lahat ng pagkakataon ay naayon. Depende rin ito sa sitwasyon. Jokes should be delivered on perfect time, in perfect place, and in perfect person. Kaya kung isa ka sa nakakabasa nito, magbago ka na. Hanggang dito na muna. May pasok pa ako e, actually malalate na ako.  At nililinisan na ni ate yung Opis.Next post ko na lang. See you!

Ipako sa Krus!!!
Bwahaha...

Kakambal

         Taong 1975 nang ipinanganak ang dalawang bata na may iisang ina. Minuto lamang ang pagitan ng una sa huli. Pinangalanan ang una na Emmanuel at ang huli ay ako si Manuel.
Magkamukha sa lahat ng pisikal na kaanyuan ngunit magkaiba ng pag-katao kami ni kuya. Siya ay lumaking mapagmahal sa aming magulang, masipag sa lahat ng bagay kaya’t gusto ng lahat.Paborito siya ng lahat at iyan din ang dahilan kung bakit pinili ko ang maging iba kay kuya.
Sa eskwela lahat ng klase ng pang-aasar sa guro ko ay nagawa ko na. Halos ipagtabuyan na nga ko papalabas sa pintuan ng klase. Sinusuka na ako ng lahat ng nalipatan kong paaralan. Walang may gusto sa akin sa buong eskwelahan maliban kay kuya. Matiyaga nga  lamang si Mama at patuloy na umaasa na balang araw ay titino din ako. magiging kagaya ni Kuya.
        Mabait talaga si kuya Emmanuel at kahit sa akin ay nararamdaman ko ito. Ang hindi niya pagsusumbong kay Papa sa tuwing mag-cutting classes ako upang panoorin ang palabas sa sine kahit pa nga iilang beses ko na itong inulit. Pagpapayuhan lamang niya ako na hindi tama ang aking ginagawa at sasagot naman ako  na ito talaga ang gusto kong buhay. Maging iba sa kanya.
         Pinili ni kuya ang maging isang ganap na Doktor pagkat nais daw niyang tulungan ang lahat ng may karamdaman.Nagpursige siya na makatapos. Ginawa nga ito ni kuya na halos lahat ng kanyang ginagamot, nang maging ganap na doktor na siya ay Libre. Lahat ng oras niya ay ginugol sa mga nangangailangan sa kanya. Sabi ko nga matalino nga siya ngunit nagpapaloko naman.  
        Kung pagtulong sa kapwa ang pagkakakilala ng lahat kay kuya ay ako naman ay kilala bilang tarantado sa lugar namin, magnanakaw, mangloloko. Nagpakasama talaga ako. Masamang-masama.
       Dumating ang pinakakatakutan kong oras ang malulong sa bisyo ng bawal na gamot. Tinikman ko lahat at naging paborito ang paghithit nito. Sunog-baga ako. Sinunog ko pati na kaluluwa ko. Kung noon ay kinikilala ko pa si Kuya, si Papa at si Mama...ngayon wala na. Hindi ko sila kilalang lahat. Ang kilala ko lamang ay ang pinakamamahal kong alak at droga.
Mas naging talamak ang panggagantso ko upang matustusan ko lamang ang bisyo ko
at pumatay ako...pinatay ko ang asawa ni Mayor ng tumangging pautangin ako. Ngayon, utang na buhay din daw ang kabayaran sa ginawa kong pagpaslang sa asawa niya. Nagtago ako...Nagpakalayo-layo.
        Si kuya Emmanuel pa rin ang tinakbuhan ko, ang hinihingan ko ng tulong nang maubusan ako ng pangangailangan upang mabuhay. Hindi naman siya nagdalawang salita. Siya na daw ang bahalang gumawa ng paraan upang maging malaya akong muli. Tulad ng dati ay umasa ako at naniwala sa kanya na siya na muli ang makakatulong sa problemang pinasok ko dahil alam kong hindi niya ako pababayaan. Tulad noong maliliit pa kami na siya ang sumasalo sa akin, sa may mga galit sa akin. Mahal na mahal ako ni kuya (mahal ko rin siya kahit lihim lang ito sa akin).
         Bukas bibitayin na si Manuel sa pamamagitan ng Lethal Injection sa salang pagpatay sa asawa ni Mayor at sa iba pa nitong mga pagkakasalang ginawa ang nabasa ko sa Dyaryo. Papanong nangyari eh nandidito ako sa malayong lugar at nagtatago, Putcha! si kuya. Si Kuya nga. Tulad ng dati ay gagawin niya ang lahat para sa ikaliligtas ko.
Humangos ako.Umuwi sa amin. Sumuko. Sir, Judge hindi siya at ako ang may kasalanan sa lahat. Ako po Sir...ako.
 “Huli na Emmanuel at nasentensyahan na kanina pa ang kuya mo. Patay na siya. Pinanagutan na niya ang kasalan mo tulad ni Kristo na niligtas tayo. Magbagong buhay ka na lamang upang maging masaya naman siya sa kabilang buhay.” 
Bumalik ako sa bahay at niyakap si Mama. Ngayon ay nag-aaral ako muli at planong kumuha ng kursong Medesina at makatulong sa iba tulad ng nais ni kuya Emmanuel.

Dalawang Sintas

       Nawawala ako. Nawawala ako.  Yan lang ang paulit-ulit sa utak ko dahil nandito ako ngayon sa gitna ng isang lugar na hindi ko alam kung saan. Ayoko namang mag-tanong-tanong dahil baka sabihin nilang tatanga-tanga ako. Bakit nga ba nandito ako sa lugar na 'to? Dahil may hinahanap akong paaralan. Kaninong paaralan? Anak sa labas ng taong mahalaga sa akin. Sinong tao? Ang ama ko.

      Ngayong kolehiyo ko lang nalaman na nagloko pala ang tatay ko nung hayskul ako. Nagbunga ang  pagkakamaling yun kaya nandito ako ngayon sa lugar na ni wala akong kaalam-alam kung saan, para itama ang pagkakamaling yun. Pupuntahan ko ang bastarda o bastardong anak para pagsabihan na 'wag nang umasang mas pipiliin sila ng tatay ko kesa sa pamilya namin.  Sasabihan ko siyang lumayo-layo na sila at huwag ng magparamdam para magkaroon na ng katahimikan ang pamilya namin. Habang bata pa siya, mas mabuting alam niya kung saan siya lulugar.



“Miss,miss, pwede po bang magpatulong?” saad ng batang   hinihila ang palda ko.

Medyo mataba siyang bata. Naka-pigtails, may dimples ang dalawang pisngi at bungi ang dalawang ipin sa harap. Lunes ngayon kung kaya’t halatang papunta siya ng eskwelahan nila,suot-suot pa ang uniporme niyang blusang puti at paldang bughaw. Ako namaý lumiban na muna sa klase para hindi na maghinala mga magulang ko kung saan ako pumunta.


"Äno ba ang pwede kong maitulong saýo bata?" tugon ko naman.


"Chuchay,chuchay po ang pangalan ko. Ikaw po miss?"


"Mayumi. Ano ba maitutulong ko?" ulit ko naman.


"Uhmmm,kasi po, nakalimutan ko po kung paano taliin sintas ng sapatos ko... pwede po bang magpatulong?"

Agad naman akong pumwesto para itali yung sintas ng sapatos niya, ang sintas ng dalawa niyang sapatos, para makaalis na siya. Nang matapos na ang pagtali ng sintas, agad akong tumayo at hinintay ang pag-alis niya.. pero hindi siya umalis. Nakaharap pa rin siya sa'kin, nakatanga at nagniningning ang mga mata  na para bang may hinihintay.

"Chuchay, naitali ko na sintas ng sapatos mo. Meron ka pa bang problema? Kasi kung hihingi ka pa ng baon, wala akong pera dito."


""Hindi Miss Mayumi. Sabi kasi ng nanay ko dapat raw gumanti ako ng magandang gawa sa taong tumulong sa'kin pero hindi naman sa lahat,baka kasi bad yung iba,eh mukhang good person ka naman. Ano'ng gusto mong pabor miss?"


Ang kulit din ng batang ito. Ano ba ang pabor ang hihingin ko eh mas matanda ako sa kanya, mas nakakaalam dapat ng mga bagay-bagay. Ang tanda ko na para humingi pa ng pabor sa isang bata. Pero ang kulit eh, alam ko na.


"Pwede mo bang ituro sa'kin kung saan ang Marillac Elementary School?"


"Ay ganun ba? Doon paaralan ko eh. Samahan na lang kita papunta doon miss. Hmmm, nawawala ka noh? Ba't di ka na lang nagtanong sa mga tao dito kanina pa. Ang sabi ng nanay ko, nagtatanong ang taong marunong. Isa pa pong pabor."


Hindi lang siya makulit, madaldal pa.


"Andami palang sinasabi ng nanay mo.  Bakit dalawang pabor?"


"Dalawang pabor para sa dalawang sintas " nakangiting sabi niya.


"Ganun ba? wala pa akong may maisip eh,pwede mamaya na lang? "


"No problemo,miss" pumuwesto siya na parang nakasaludo at abot tenga ang ngiti kaya naman kitang-kita ang mataba niyang pisngi.


Parang gusto kong ngumiti pero naalala ko kung ano talaga ang pinunta ko sa lugar na 'to. Nagsimula na siyang lumakad sa isang direksyon kaya sinundan ko siya agad.


"Miss Mayumi,alam mo bang masayang-masaya ako ngayon?" nakangiti na namang sabi niya.


"Mabuti naman at masaya ka."


"Tanungin mo kung bakit." utos niya na para bang isang krimen kung hindi ako magtanong sa kanya.


"Bakit naman?"


"Masayang-masaya ako kasi binisita na ako ng tatay ko! Palagi ko kasi siyang hinihintay,palagi akong pray ng pray kay papa Jesus para balikan niya  ako, at narinig naman yung prayer ko. Ang saya diba? Kayo po? Ano po ang nagpapasaya sa'yo?"


Ano nga ba ang nagpapasaya sa'kin ngayon? Hindi ko alam. Wala akong maisip. Hindi na ako sumagot pero parang di naman niya ako pinilit na sagutin ang  tanong niya.


"Alam mo ba miss, nung binisita niya ako, dinalhan niya ako ng  mga bulaklak na daisies kasi paborito daw niya yun kaya paborito ko na rin ang daisies ngayon."

Happy birthday tatay! May regalo ako saýo!

Ano naman yan mayumi?


Daisies po!


Hahah. Saan galing ang mga  yan?


Diyan sa hardin ni Aling Telay. Kinuha,  ko dahil wala akong pera.

Hahaha. Ikaw talagng bata ka. Nakakatuwa naman anak ko,pero huwag nang magnakaw uli  ha?  hahah

Opo tatay.


Simula ngayon,kahit hindi bagay sa lalaki,paborito ko na ang daisies. hahah


"Miss  mayumi,miss mayumi, ok ka lang? Mukhang natutulala ka,uso pa naman dengue ngayon."


"Ok lang ako,may naalala lang." saad ko naman.


"Pagkatapos, alam mo ba noong nakaraang linggo lang, nadapa ako,kaya iyak ako ng iyak, akalain mo yun, ang laki-laki ko na ,iyakin pa rin.  Hahah. Kaya sinabihan ako ng tatay ko ng isang joke para tumahan. Miss, sino po ang chinese na  King of Pop,chinese ha. heheh".


Tay,mamaya na yang newspaper mo,makinig muna kayo sa'kin.


Bakit Mayumi? ano'ng gusto mong sabihin?


Meron akong joke na nakuha ko sa classmate ko,nakakatawa lang kasi eh.


Sinong chinese ang sikat na basketbolista,bida sa space jam, at palaging starplayer ng Chicago bulls?


Uhmmm, Michael Jordan?


Chinese po. heheh


Hahah. Ang hirap ng tanong anak.


Si Michael Jord Ang po, hahaha. eh sino po ang
chinese na  King of Pop,chinese ha.

"Si Michael Jacks Ong?"


"Tama po miss. Paano po ninyo nalaman? Hahah. Ang galing mo naman, napatahan talaga ako ng joke na yan. Malapit-lapit na rin tayo sa eskwelahan ko   kasi nakikita ko na yung parke namin dito. Huwag kang mag-alala, saulado ko ang lugar na 'to. Nung bumisita kasi tatay ko, tinuruan niya ako ng iba't-ibang direksyon para di ako mawala. Ayaw niyang mawala ako eh,kakabahan daw siya ng sobra . Ganun ako kamahal ng tatay ko."


Mayumi!!! Mayumi!!! Asan ka na?!


"Tatay! huhuh. Tatay!huhu


Mayumi! Andyan ka lang palang bata ka, takot na takot talaga ako.


Tatay,huwag mo na akong iwan ha? huhuh


Hindi na anak. Hindi na..


"
Miss Mayumi,palagi ka bang ganyan? Palaging tahimik? Baka mapanis yang laway mo ha? Nababagot siguro ang kapatid mo palagi saýo "

"Wala akong kapatid eh.""


"Ako rin po,gusto ko nga sana may ate o kuya ako  para masaya. Pero wala eh, kasi hindi pwede sa trabaho ni nanay, panggabi kasi trabaho ni nanay. Sa trabaho daw nagkatagpo si tatay at si nanay. Hindi na raw dapat sila magkikita kaya lang lumabas na ako sa mundong ito, at ang bata,kailangan ng tatay di ba? Kaya binalikan ako ng tatay.""


"Mahal mo talaga nanay mo noh?"


"Oo naman po, nahihirapan nga yun eh,  minsan pagod na pagod na siya sa trabaho niya kaya hindi niya na ako maihatid sa school. Nag-aaral akong mabuti kasi gusto ko paglaki ko, hindi na magtatrabaho nanay ko.  Talagang gusto kong matuto para sa nanay ko, pero alam mo ba kung ano natutunan ko nung bumalik tatay ko?"


"Ano natutunan mo Chuchay?"


"Natutunan kong kapag nag-pray ka, kay papa Jesus, at hindi dumating yung pinalangin mo,ibig sabihin hindi para sa'yo yun o kaya naman may mas magandang blessing na paparating. Kaw miss?  Ano natutunan mo?" tanong niya na may ngiti pa rin sa kanyang labi.


"Hindi kayang itama ang isang pagkakamali ng isa pang pagkakamali. Natutunan ko ring hindi pinipilit ang pagbabago sa iba,kundi ginagawa para sa sarili."

Napakamot siya ng ulo.

"Uhmm,ano po ibig sabihin nun miss?" inosenteng tanong niya.


"Wala. hahah.Yan ba ang school mo?"


"Opo, yan po, pasok na tayo!"


"Nagbago isip ko eh."


"Eh,paano po yung isa pang pabor?"


"May naisip na akong pabor, pwede ba, sa susunod nating pagkikita, tawagin mo akong ate?"


Ipako sa Krus!!!
Bwahaha...

Isang Pagpapasalamat kay  KatrinaDaniels (Awtor nitong Maikling Kwentong ito) sa pagpapahiram niya ng kanyang malayang panulat para sa lahat. Saludo ako sa iyo!! Kaya, Ipako ka sa Krus!!! Peace (`~_~`)

Martes, Agosto 9, 2011

Every gising is a Blessing

          Sabi nila gumawa daw ako ng blog. Pero ang lagi kong isinasagot, "Ikaw nakaisip, ikaw gumawa, alam mo pala e..." At di kalaunan, ako namang si uto-uto, gumawa. At ito na yun. Ang blog na ito ay para sa walang patutunguhan, yung walng landas sa buhay! Oo, tama ka! At dahil nga binabasa mo ito, ay magcomment ka naman o Ipalow mo ako. Mahiya ka naman, Anu ka magbabasa lang? Ito din ay para sa mga taong sawa na, maaring sawa na sa pagiging lalaki/babae. Oo! Yun tipong walang magawa, puro FB, Youtube, Twitter, at kung anung anik-anik. Minsan pa nga pag walang nakatingin ay nagbubukas ng Pornsite e. Ooops! Wag magdeny! huli ka na!
          At ngayon nga at nabasa mo ito, ay nabasa mo rin yung unang post ko. Isa po yun sa mga akda ko. So paano ba yan... Abangan! to be continued pa ang iba kong mga akda. Hirap pa kasi ako ngayon sa skuling ko kasi nawala ang silpon ko. (Actually ninakaw e.) Sana ay mabasa mo ito, o kung hindi naman, ipabasa mo ito. Sumpa ito sa iyo...
Kita mo yung katabi mo? Mag ingat ka dyan dahil may sinasabi syang hindi mo naiintindihan, dahil kahit ako walang pagkakaintindi kung bakit ito ginawa.

Ipako sa Krus!
Bwahaha...