Tsapter

Martes, Agosto 23, 2011

Jeepney

      Napakataas na naman ng haring Araw…napakainit…parang palasong tumutusok sa aking anit ang silahis ng malaking liyab sa kalangitan. Sasabayan pa yan ng agos ng maitim na usok galing sa tambutso ng mga nagkakaripasang mga sasakyan sa malaking lansangan na ‘to sa Maynila. Ikinampay ko ang aking mga kamay - akmang sumesenyas para makasakay sa anumang sasakayan na maari kong lulanan para sa aking paglalakabay…walang fx, walang taxi…tinignan ko ang relo - mahuhuli na ako. walang pagaatubiling sinundan ko ang isang jeepney na may karatulang hindi ko na maaninag ang nakasulat sa sobrang kalumaan. Huminto ang jeepney sa harap ko habang malakas kong narinig ang paglaban ng gulong sa pisngi ng sementadong kalsada. Bahagyang tumilamsik ang konting tubig at putik dahil sa pagpatak ng ulan kaninang umaga. 
     Nagmamadali ako at akmang sasakay sa JEEPNEY na aking pinara…Sa harap, dun ang gusto ko, sa may dalawa lamang ang nakaupo. Ngunit naungusan ako ng isang lalaking may hawak ng sigarilyong unti unti nang nauupos…Nakakapikon. bakit hindi ako nauna…bakit ako inunahan…napagtanto ko bakit nga ba parati nating gustong nasa unahan ng jeep…ugali na ba nating makauna sa lahat, makahanap ng lugar na komportable, ng lugar na mapagsarili? Naisipan ko na lang sumakay sa loob ng jeep na kung saan madami nang nakasakay habang ang kilay kong makapal ay nagpapaangabot na sa sobrang kaasaran…Sumakay ako…lahat ay umurong patungo sa bukana ng sasakyan…resulta? sa dulo pa ako napapunta…bakit sila umusog?bakit ko hinayaang sila umusog…ako lang ba ay mapagpaubaya? o sadyang mangmang ako sa karapatan ko bilang isang tao o talaga ganyan lamang ang tao…kasabay kong sumakay sa aking likuran ang isa ring matanda na may kapansanan - iika-ika, hila hila ang mga paang parang lantang gulay sa talipapa…pareho ang nangyari, walang pinagbago, kaming dalawa, magkatabi sa upuang malapit sa nagmamaneho… salamat na lang sa Diyos nakasakay na ako at nakaupo na…kasabay ng pagpunas ko sa pawis ko gamit ang panyong nangingitim na rin dahil sa kadum’han, inabot ko ang baryang kanina pa kumakalansing sa aking bulsa. 
     "Manong bayad po", sabay bigay sa mamisong barya…manong bayad ko ho…sabi ng isang nasa likod…manong bayad, bayad, manong, abot, makikiabot,bayad.Sunod sunod na salitang aking narinig. may isang nasa malayo na nakatingin lamang sa bintana ng jeep, parang nagbibingibingihan, walang naulinig kahit na napakalapit…Bingi ba o sadyang hindi pinansin? mahirap bang iabot at iangat ang ating mga kamay para sa pag-abot ng ilang gramong barya? Ako na umabot ng barya at binigay sa driver na sa pagkawari ko’ y isang linggo nang hindi na naliligo dahil sa amoy na aking nasasagap kasabay ang pagbangga ng jeep sa hindi makitang hangin. Natahimik nang saglit ang loob ng jeepney pero ubod lakas pa rin ang pagtakbo ng makina ng sasakyan…dahil sa nakakabinging ugong ng sasakyan na’to kahit sa katahimikan ng loob, ang mga mata ko’y umikot sa kabuuan nito…May nakaputi - nursing student marahil - nagaaral parang may exam - hinahanda ang sarili para sa pag-abot ng pangarap sa pamilya…May magkasintahan - sobra sa kaswitan - nagkikilitian, naghahalikan sa gitna ng madla…na hindi ko naisip at nagawa nung aking kabataan…May madungis na manggagawa-parang galing sa trabaho hawak ang pansit na mainit para sa anak na naghihintay sa kanyang simpleng pasalubong - akap akap, pinoprotektahan - nakakaantig….Isang mag-ina - ang anak ay pulos pukol ang tanong at turo sa bawat madaanan ng sasakyan habang banas na pinagbabawalan ng ina ang anak na hwag ilabas ang kamay—mapuputol daw ito - …parang mama ko dati…napangiti ako…nang biglang huminto ang sasakyan nang hindi inaasahan…pula na ang traffic light pagkasilip ko sa dungawan…
     Habang binabalik ko ang aking ulo patungo ulit sa kalooban ng jeep, may batang sumakay, pinunasan ang mga sapatos, tsinelas, paa ng bawat madaanan niya patungo sa loob gamit ang basahan na kanyang tangan tangan…"barya lang po…pangkain lang po" pakiusap niya… ang hirap ng buhay… binigay ko ang Jolibee burger ko na hindi ko naubos kanina sa kanya…napangiti ang kanyang mga mata…parang anghel na naliwanagan ng biyaya habang nakatingin ang mga ibang pasaherong parang nahihiya dahil sa pagtanggi sa pagbigay na unti nilang barya…nagmamadali siyang bumaba sabay sigaw "Pogi, salamat!". Napangiti lang ako…ngunit di pa man nakakaalis ang sasakyan may dalwang bata na nag uunahang sumakay at inulit ang ginawa ng una…nanghingi din ng pangkain, kahit ng barya lang… hindi ko alam kung dapat pa ako magbigay? hanggang saan ba dapat tayo magbigay…pangaabuso o sadyang mahirap lang talaga ang ating buhay. Umandar ang sasakyan, nagmamadali din namang bumababa ang dalawang batang madungis na walang napala sa panlilimos nila…Tuloy ulit ang byahe, nakakapagod, nakakabugbog ng katawan lalo na pag laging dumadaan ang jeepney sa bako-bakong kalsada. Habang umaandar kami, tuloy naman ang buhay sa loob. 
     May ingleserang babae na nakikipagusap sa teleponong ubod ingay - kahit mali ang grammar, todo sa pagsalita na parang armalayt ang bibig…, may lalakeng tingin ng tingin sa katabing babae na nakasuot ng maikling palda - ang mukha ng babae ay di pantay sa kulay ng kaleeg-leegan…ang iba’y tahimik, ibay tulog, iba’y nakatingin sa labas, nakatakip ang ilong dahil sa usok…iba’y nakasabit ang kamay sa tubo ng jeepney sa kaitaasan…waring natatakot na mabuwal sa pagpreno ng jeepney…maraming mukha…maraming buhay…maraming maskara…maraming pakikisamahan…ganito na siguro talaga ang buhay….parang jeepney - madaming makikita, madaming makikilala, madaming maaalala, madaming maiisip, madaming mapagtatanto, madaming magagawa, madami rin namang di magagawa… hay..buhay nga naman…pati jeepney salamin ng katotohanan…. salamin ng ating kakulangan at kasalanan….DULO NA HO TO?!!!! nabigla ako nang narinig ko ito…bumilis ang tibok ng aking puso…dulo na? hangganan? hindi dito ang dapat kong patunguhan…hindi pa? hindi… San po ang byahe niyo ma? tanong ko…"kakaliwa na ako!" Nagsisibabaan na ang mga tauhan ng buhay sa jeepney…hindi po ba to dederetso?….iba sakyan mo iho… dun ka sa kabila…nakakatawa,nakakaasar, nakakalungkot….mali ang nasakyan ko…parang buhay hindi mo alam kung saan ka dadalhin…san ka patutungo…bumababa ako ng jeepney….
     Nanghihinayang pero gaya ng buhay kailangang matuto…Kailangan ko nang tumawid sa kabila at sumakay ng panibagong jeep ng buhay kasama ang mga panibagong mukha ng ating realidad…dumudukot ako ng beinte pesos sa aking pitaka…Hindi alintana kung sino mang masagasaan o masaktan, nang may biglang bumunggo sa akin sa harap…Nalaglag ang iba kong gamit at ilang barya…Kumunot ulit ang aking noo..kumunot…kumunot…Ngunit ang gusot ay nawala nang makita ko ang isang babae na humihingi ng paumanhin sa akin…napangiti ako…nawala ang pagod… Isang estrangherong nakapagpagaan ng loob ko…balingkinitan at may nangungusap na mata… Ang dati kong crush nung high-school at muntik ko nang naging girlfriend kung di ko lang inuna ang scholarship ko… nakakagaan ng loob…Minsan dapat ka din dapat palang maligaw para makatagpo ng isang bagay na hindi mo na inaasahan na makapagbibigay ng kakaibang kasiyahan… Pangako sasakay ako ulit ng jeepney ng buhay lalo na ngayong kasama ko siya sa pag-angkas.

Ipako sa Krus!!!
Bwahaha...
Hmmm...
Ikalat nyo nga daw po itong blog ko... Para masaya at makapag post pa ako ng marami. Salamat!!!
Hahaha...