Tsapter

Miyerkules, Agosto 10, 2011

Dalawang Sintas

       Nawawala ako. Nawawala ako.  Yan lang ang paulit-ulit sa utak ko dahil nandito ako ngayon sa gitna ng isang lugar na hindi ko alam kung saan. Ayoko namang mag-tanong-tanong dahil baka sabihin nilang tatanga-tanga ako. Bakit nga ba nandito ako sa lugar na 'to? Dahil may hinahanap akong paaralan. Kaninong paaralan? Anak sa labas ng taong mahalaga sa akin. Sinong tao? Ang ama ko.

      Ngayong kolehiyo ko lang nalaman na nagloko pala ang tatay ko nung hayskul ako. Nagbunga ang  pagkakamaling yun kaya nandito ako ngayon sa lugar na ni wala akong kaalam-alam kung saan, para itama ang pagkakamaling yun. Pupuntahan ko ang bastarda o bastardong anak para pagsabihan na 'wag nang umasang mas pipiliin sila ng tatay ko kesa sa pamilya namin.  Sasabihan ko siyang lumayo-layo na sila at huwag ng magparamdam para magkaroon na ng katahimikan ang pamilya namin. Habang bata pa siya, mas mabuting alam niya kung saan siya lulugar.



“Miss,miss, pwede po bang magpatulong?” saad ng batang   hinihila ang palda ko.

Medyo mataba siyang bata. Naka-pigtails, may dimples ang dalawang pisngi at bungi ang dalawang ipin sa harap. Lunes ngayon kung kaya’t halatang papunta siya ng eskwelahan nila,suot-suot pa ang uniporme niyang blusang puti at paldang bughaw. Ako namaý lumiban na muna sa klase para hindi na maghinala mga magulang ko kung saan ako pumunta.


"Äno ba ang pwede kong maitulong saýo bata?" tugon ko naman.


"Chuchay,chuchay po ang pangalan ko. Ikaw po miss?"


"Mayumi. Ano ba maitutulong ko?" ulit ko naman.


"Uhmmm,kasi po, nakalimutan ko po kung paano taliin sintas ng sapatos ko... pwede po bang magpatulong?"

Agad naman akong pumwesto para itali yung sintas ng sapatos niya, ang sintas ng dalawa niyang sapatos, para makaalis na siya. Nang matapos na ang pagtali ng sintas, agad akong tumayo at hinintay ang pag-alis niya.. pero hindi siya umalis. Nakaharap pa rin siya sa'kin, nakatanga at nagniningning ang mga mata  na para bang may hinihintay.

"Chuchay, naitali ko na sintas ng sapatos mo. Meron ka pa bang problema? Kasi kung hihingi ka pa ng baon, wala akong pera dito."


""Hindi Miss Mayumi. Sabi kasi ng nanay ko dapat raw gumanti ako ng magandang gawa sa taong tumulong sa'kin pero hindi naman sa lahat,baka kasi bad yung iba,eh mukhang good person ka naman. Ano'ng gusto mong pabor miss?"


Ang kulit din ng batang ito. Ano ba ang pabor ang hihingin ko eh mas matanda ako sa kanya, mas nakakaalam dapat ng mga bagay-bagay. Ang tanda ko na para humingi pa ng pabor sa isang bata. Pero ang kulit eh, alam ko na.


"Pwede mo bang ituro sa'kin kung saan ang Marillac Elementary School?"


"Ay ganun ba? Doon paaralan ko eh. Samahan na lang kita papunta doon miss. Hmmm, nawawala ka noh? Ba't di ka na lang nagtanong sa mga tao dito kanina pa. Ang sabi ng nanay ko, nagtatanong ang taong marunong. Isa pa pong pabor."


Hindi lang siya makulit, madaldal pa.


"Andami palang sinasabi ng nanay mo.  Bakit dalawang pabor?"


"Dalawang pabor para sa dalawang sintas " nakangiting sabi niya.


"Ganun ba? wala pa akong may maisip eh,pwede mamaya na lang? "


"No problemo,miss" pumuwesto siya na parang nakasaludo at abot tenga ang ngiti kaya naman kitang-kita ang mataba niyang pisngi.


Parang gusto kong ngumiti pero naalala ko kung ano talaga ang pinunta ko sa lugar na 'to. Nagsimula na siyang lumakad sa isang direksyon kaya sinundan ko siya agad.


"Miss Mayumi,alam mo bang masayang-masaya ako ngayon?" nakangiti na namang sabi niya.


"Mabuti naman at masaya ka."


"Tanungin mo kung bakit." utos niya na para bang isang krimen kung hindi ako magtanong sa kanya.


"Bakit naman?"


"Masayang-masaya ako kasi binisita na ako ng tatay ko! Palagi ko kasi siyang hinihintay,palagi akong pray ng pray kay papa Jesus para balikan niya  ako, at narinig naman yung prayer ko. Ang saya diba? Kayo po? Ano po ang nagpapasaya sa'yo?"


Ano nga ba ang nagpapasaya sa'kin ngayon? Hindi ko alam. Wala akong maisip. Hindi na ako sumagot pero parang di naman niya ako pinilit na sagutin ang  tanong niya.


"Alam mo ba miss, nung binisita niya ako, dinalhan niya ako ng  mga bulaklak na daisies kasi paborito daw niya yun kaya paborito ko na rin ang daisies ngayon."

Happy birthday tatay! May regalo ako saýo!

Ano naman yan mayumi?


Daisies po!


Hahah. Saan galing ang mga  yan?


Diyan sa hardin ni Aling Telay. Kinuha,  ko dahil wala akong pera.

Hahaha. Ikaw talagng bata ka. Nakakatuwa naman anak ko,pero huwag nang magnakaw uli  ha?  hahah

Opo tatay.


Simula ngayon,kahit hindi bagay sa lalaki,paborito ko na ang daisies. hahah


"Miss  mayumi,miss mayumi, ok ka lang? Mukhang natutulala ka,uso pa naman dengue ngayon."


"Ok lang ako,may naalala lang." saad ko naman.


"Pagkatapos, alam mo ba noong nakaraang linggo lang, nadapa ako,kaya iyak ako ng iyak, akalain mo yun, ang laki-laki ko na ,iyakin pa rin.  Hahah. Kaya sinabihan ako ng tatay ko ng isang joke para tumahan. Miss, sino po ang chinese na  King of Pop,chinese ha. heheh".


Tay,mamaya na yang newspaper mo,makinig muna kayo sa'kin.


Bakit Mayumi? ano'ng gusto mong sabihin?


Meron akong joke na nakuha ko sa classmate ko,nakakatawa lang kasi eh.


Sinong chinese ang sikat na basketbolista,bida sa space jam, at palaging starplayer ng Chicago bulls?


Uhmmm, Michael Jordan?


Chinese po. heheh


Hahah. Ang hirap ng tanong anak.


Si Michael Jord Ang po, hahaha. eh sino po ang
chinese na  King of Pop,chinese ha.

"Si Michael Jacks Ong?"


"Tama po miss. Paano po ninyo nalaman? Hahah. Ang galing mo naman, napatahan talaga ako ng joke na yan. Malapit-lapit na rin tayo sa eskwelahan ko   kasi nakikita ko na yung parke namin dito. Huwag kang mag-alala, saulado ko ang lugar na 'to. Nung bumisita kasi tatay ko, tinuruan niya ako ng iba't-ibang direksyon para di ako mawala. Ayaw niyang mawala ako eh,kakabahan daw siya ng sobra . Ganun ako kamahal ng tatay ko."


Mayumi!!! Mayumi!!! Asan ka na?!


"Tatay! huhuh. Tatay!huhu


Mayumi! Andyan ka lang palang bata ka, takot na takot talaga ako.


Tatay,huwag mo na akong iwan ha? huhuh


Hindi na anak. Hindi na..


"
Miss Mayumi,palagi ka bang ganyan? Palaging tahimik? Baka mapanis yang laway mo ha? Nababagot siguro ang kapatid mo palagi saýo "

"Wala akong kapatid eh.""


"Ako rin po,gusto ko nga sana may ate o kuya ako  para masaya. Pero wala eh, kasi hindi pwede sa trabaho ni nanay, panggabi kasi trabaho ni nanay. Sa trabaho daw nagkatagpo si tatay at si nanay. Hindi na raw dapat sila magkikita kaya lang lumabas na ako sa mundong ito, at ang bata,kailangan ng tatay di ba? Kaya binalikan ako ng tatay.""


"Mahal mo talaga nanay mo noh?"


"Oo naman po, nahihirapan nga yun eh,  minsan pagod na pagod na siya sa trabaho niya kaya hindi niya na ako maihatid sa school. Nag-aaral akong mabuti kasi gusto ko paglaki ko, hindi na magtatrabaho nanay ko.  Talagang gusto kong matuto para sa nanay ko, pero alam mo ba kung ano natutunan ko nung bumalik tatay ko?"


"Ano natutunan mo Chuchay?"


"Natutunan kong kapag nag-pray ka, kay papa Jesus, at hindi dumating yung pinalangin mo,ibig sabihin hindi para sa'yo yun o kaya naman may mas magandang blessing na paparating. Kaw miss?  Ano natutunan mo?" tanong niya na may ngiti pa rin sa kanyang labi.


"Hindi kayang itama ang isang pagkakamali ng isa pang pagkakamali. Natutunan ko ring hindi pinipilit ang pagbabago sa iba,kundi ginagawa para sa sarili."

Napakamot siya ng ulo.

"Uhmm,ano po ibig sabihin nun miss?" inosenteng tanong niya.


"Wala. hahah.Yan ba ang school mo?"


"Opo, yan po, pasok na tayo!"


"Nagbago isip ko eh."


"Eh,paano po yung isa pang pabor?"


"May naisip na akong pabor, pwede ba, sa susunod nating pagkikita, tawagin mo akong ate?"


Ipako sa Krus!!!
Bwahaha...

Isang Pagpapasalamat kay  KatrinaDaniels (Awtor nitong Maikling Kwentong ito) sa pagpapahiram niya ng kanyang malayang panulat para sa lahat. Saludo ako sa iyo!! Kaya, Ipako ka sa Krus!!! Peace (`~_~`)