Tsapter

Miyerkules, Agosto 10, 2011

Kakambal

         Taong 1975 nang ipinanganak ang dalawang bata na may iisang ina. Minuto lamang ang pagitan ng una sa huli. Pinangalanan ang una na Emmanuel at ang huli ay ako si Manuel.
Magkamukha sa lahat ng pisikal na kaanyuan ngunit magkaiba ng pag-katao kami ni kuya. Siya ay lumaking mapagmahal sa aming magulang, masipag sa lahat ng bagay kaya’t gusto ng lahat.Paborito siya ng lahat at iyan din ang dahilan kung bakit pinili ko ang maging iba kay kuya.
Sa eskwela lahat ng klase ng pang-aasar sa guro ko ay nagawa ko na. Halos ipagtabuyan na nga ko papalabas sa pintuan ng klase. Sinusuka na ako ng lahat ng nalipatan kong paaralan. Walang may gusto sa akin sa buong eskwelahan maliban kay kuya. Matiyaga nga  lamang si Mama at patuloy na umaasa na balang araw ay titino din ako. magiging kagaya ni Kuya.
        Mabait talaga si kuya Emmanuel at kahit sa akin ay nararamdaman ko ito. Ang hindi niya pagsusumbong kay Papa sa tuwing mag-cutting classes ako upang panoorin ang palabas sa sine kahit pa nga iilang beses ko na itong inulit. Pagpapayuhan lamang niya ako na hindi tama ang aking ginagawa at sasagot naman ako  na ito talaga ang gusto kong buhay. Maging iba sa kanya.
         Pinili ni kuya ang maging isang ganap na Doktor pagkat nais daw niyang tulungan ang lahat ng may karamdaman.Nagpursige siya na makatapos. Ginawa nga ito ni kuya na halos lahat ng kanyang ginagamot, nang maging ganap na doktor na siya ay Libre. Lahat ng oras niya ay ginugol sa mga nangangailangan sa kanya. Sabi ko nga matalino nga siya ngunit nagpapaloko naman.  
        Kung pagtulong sa kapwa ang pagkakakilala ng lahat kay kuya ay ako naman ay kilala bilang tarantado sa lugar namin, magnanakaw, mangloloko. Nagpakasama talaga ako. Masamang-masama.
       Dumating ang pinakakatakutan kong oras ang malulong sa bisyo ng bawal na gamot. Tinikman ko lahat at naging paborito ang paghithit nito. Sunog-baga ako. Sinunog ko pati na kaluluwa ko. Kung noon ay kinikilala ko pa si Kuya, si Papa at si Mama...ngayon wala na. Hindi ko sila kilalang lahat. Ang kilala ko lamang ay ang pinakamamahal kong alak at droga.
Mas naging talamak ang panggagantso ko upang matustusan ko lamang ang bisyo ko
at pumatay ako...pinatay ko ang asawa ni Mayor ng tumangging pautangin ako. Ngayon, utang na buhay din daw ang kabayaran sa ginawa kong pagpaslang sa asawa niya. Nagtago ako...Nagpakalayo-layo.
        Si kuya Emmanuel pa rin ang tinakbuhan ko, ang hinihingan ko ng tulong nang maubusan ako ng pangangailangan upang mabuhay. Hindi naman siya nagdalawang salita. Siya na daw ang bahalang gumawa ng paraan upang maging malaya akong muli. Tulad ng dati ay umasa ako at naniwala sa kanya na siya na muli ang makakatulong sa problemang pinasok ko dahil alam kong hindi niya ako pababayaan. Tulad noong maliliit pa kami na siya ang sumasalo sa akin, sa may mga galit sa akin. Mahal na mahal ako ni kuya (mahal ko rin siya kahit lihim lang ito sa akin).
         Bukas bibitayin na si Manuel sa pamamagitan ng Lethal Injection sa salang pagpatay sa asawa ni Mayor at sa iba pa nitong mga pagkakasalang ginawa ang nabasa ko sa Dyaryo. Papanong nangyari eh nandidito ako sa malayong lugar at nagtatago, Putcha! si kuya. Si Kuya nga. Tulad ng dati ay gagawin niya ang lahat para sa ikaliligtas ko.
Humangos ako.Umuwi sa amin. Sumuko. Sir, Judge hindi siya at ako ang may kasalanan sa lahat. Ako po Sir...ako.
 “Huli na Emmanuel at nasentensyahan na kanina pa ang kuya mo. Patay na siya. Pinanagutan na niya ang kasalan mo tulad ni Kristo na niligtas tayo. Magbagong buhay ka na lamang upang maging masaya naman siya sa kabilang buhay.” 
Bumalik ako sa bahay at niyakap si Mama. Ngayon ay nag-aaral ako muli at planong kumuha ng kursong Medesina at makatulong sa iba tulad ng nais ni kuya Emmanuel.