Lahat
kami…
Kaming
mga estudyante… ay parang mga locker na pininid sa isang buong
sembreak. Walang imik. Walang ingay. Walang kalampag. Dumating na
SIYA, teacher namin, unang major exam. Major exam galing sa teacher
na ayaw namin. Makikita mo ang kanyang mukhang parang ulan na maitim
pa sa kalangitan. Aabangan mo ang bawat kulog at kidlat na mula sa
kanya ay lalabas. Inilapag ng teacher ko ang gamit niya sa ibabaw ng
lamesa sa harap. Kinuha ang kanyang eraser sa kanyang kulay pink na
bag at binura ang malaking “I love you sir” sa harap ng
blackboard. Maaninag mo na bahagyang tumaas ang kanyang kilay.
Nagkatinginan na lang kami ng mga klasmeyt ko. May ibang napangiwi,
ngiting nakakakiliti. May ibang seryoso, sinenyas ang kamay na
nagsasabing LAGOT KAYO.
Nanatiling
parang mga pipi ang buong klase. Maririnig mo ang bawat paghinga ng
bawat isa. May pigil, may bagot, may excited.
"You
have one and a half hour to answer the questions. Superimpositions,
erasures nor markings are allowed in your examination. Otherwise, it
is considered incorrect. Get one and pass!"
Sabi
niya habang bahagyang nakayuko ang kanyang ulo para makita kami dahil
hinahabol niya ang napakakapal niyang salamin na hinihila ng lupa.
Marahil ng impyerno. Ipinasa na ang papel, ang iba’y kinakabahan,
ang iba’y pawisang ipinasa ang papel, iba’y mali ang
pinagpasahan, nagmamadali, masyadong mabagal.
“CHEATING
is NOT ALLOWED “
Isang
mariing boses ang narinig namin. Isang katagang paulit-ulit na naming
narinig, mula elementary hanggang hayskul. Nakakasawa.
"You
may now begin."
Para
kaming mga robot at sabay-sabay na yumuko at isa-isang kinuha at
hinayaang lawayan ng tinta ang aming mga papel. Iba-ibang posisyon,
iba-ibang yuko, iba’y nakatingin sa kisame na parang may inaasahang
sagot mula sa kalangitan o guguhit sa sementong naaninagan ng mga
ilaw. Umiikot si Ma'am, parang ahas na handang tumuklaw basta may
kumibot at gumalaw. Lahat ay parang mga batang takot na takot sa
halimaw na sa gabi’y nanakot sa ilalim ng kanilang kama sa
pagtulog, nakatalukbong.
“Tok,
tok, tok!!! Maam, pinapatawag ho kayo sa office ng Dean. Ako na ho
muna daw ang magbabantay."
Dinig
namin sa isang pamilyar na boses mula sa bukana ng kwarto.
Sabay-sabay na inangat ang ulo.
Si
sir!! Ang taong paborito ng mga estudyante. Ang taong tinutukoy sa
nakasulat na I LOVE YOU sa pisara.
Siya
ang magbabantay? Siya na?
"Aalis
muna ako. Si Sir niyo ang magbabantay. I expect you to behave
yourselves. Intiende?"
Lahat
ng mga nakakunot noo ay bumanat, sabay ang pagsilip ng mga munting
ngipin sa bintana ng labi.
“Nakakatuwa
si sir ang magbabantay “ bulong ng isa.
“Inspired
na ako “- habol nung isa.
Hagikgikan
ang mga estudyante - parang mga paniking tuwang-tuwa na lumubog na
ang araw. Umupo si sir…
“Tuloy
niyo na ang exam niyo"
Sabi
niya habang umaalis ang tinuring naming diyablo. At isang anghel para
sa amin ang nagbabantay. Tahimik ang lahat. Hindi alam ang gagawin.
Pero ang iba’y nakahanap ng pagkakataon. Eto na! Ang mga lalake sa
likod, ang samahang puro semi-kalbo. Parang mga fishballs na
nagkakagulo sa kalan kahit na nasa gitna ng kumukulong mantika.
"Anong
number 38?" isang bulong.
"A
ba or C?" sabi ng isa.
"Anong
formula?" tuloy ng isa.
"Oo."
"C-C-B-D-A."
Parang
nasa gitna ako ng subastahan. Ang mga kaklase ko parang mga bubuyog
na nagaagawan ng nektar ng pagkakataon. Ang iba’y may pinapasa,
papel, maliit at medyo lukot-lukot. Kodigo o on the spot na
ginawa? ayaw ko nang alamin basta ang alam ko, isang pandaraya. Ang
crush kong classmate nagtatanong sa basketball player naming
classmate. Nakakaturn-off. Ngunit nagulat ako ng may sumipa sa aking
upuan. Bahagya akong nagulat.
"Number
45 tol?"
Ha?
hindi ko maintindihan. Hindi ba sila nag-aral? Bakit kailangan nilang
gawin to? Parang di ko alam ang gagawin ko kung sasagutin ko ang
tanong ng kamag-aral ko. Para akong silab na binuhusan ng yelo.
Natutunaw. Natatakot. Para akong batang naghahanap ng pagsusumbungan
dahil may nang-aaway. Napaikot ang aking ulo at parang nakita ko ang
buong kwarto sa isang tinginan. Isang pikit lang. Ang mga grupong
matatalino buong higpit nilang tinatakpan ang mga papel nilang parang
paninda sa palengke na tinataboy ang mga langaw na nagnanais na
dumapo. Ang mga langaw naman ang mga nagkokopyahan, akmang
naghihintay ng mumo kahit na sa ilalim ng lamesa.
Ano
ang gagawin ko? Hindi ba nila na ang mga mata ng mga anghel na
itinuring nila, si SIR ay nakamasid lang sa kanila. Nakangiting mga
matang parang hindi alam sumimangot. Inaabuso ba namin siya o sadyang
hinahayaan niya lang kami? Kinukonsinte o sinusulat niya na ang mga
nagkokpyahan parang nung elementary kami at isusumbong sa teacher
namin? Nakapagtataka. Tuloy pa rin ako sa pagsagot ko sa mga tanong…
Alam
ko ang mga sagot…
Nag-aral
ako. Alam ko mataas ang makukuha ko.
SHHHHHH...
Isang
sutsot ni sir. Nagbabala na siya. Lumalakas na kasi ang kaninang
bulungan. May mga umubo-ubo, may sumisingot. Nalalaglag na calculator
at ballpen. Meron ding mga nakatagong mga salita. Bakit kultura na to
na hindi mabura sa pagiging estudyante. Marahil sa pagiging tao.
Bakit hindi natin maalis ang mandaya, ang manlamang, ang magkamali?
Sadya ba o kailangan lang ng pagkakataon? Basta ako nag-aral… Kaya
kong sagutan ang lahat ng tao.
Number
88 na ako…
Sigurado
papasa na ako.
89…90…91…92….93…
Hindi
ko to nabasa?! Hindi ko inaral…Nakatulog ako…Hindi ko to
napaxerox…Nakalimutan ko to i-note…absent ba ako nito? Hindi to
tinuro ni Ma’am!
Ang
daming dahilan ang pumapasok sa aking isipian kung bakit hindi ko
mabilugan ang mga letra sa sagutang papel ko. Anong gagawin ko.
Namumutla ako.Mataas dapat ang makuha ko kasi nagaral ako, marunong
ako, matalino ako! Napaka-grade conscious ko. Kailangang mataas ang
makuha ko. Pero sayad na ang utak ko. Piga na at wala nang katas na
lumalabas kahit anong pilit kong piga. Magtatanong ba ako sa katabi
ko? Mangongopya? sisirain ko ba ang prinsipyo ko? ayoko! Lumakas ang
tibok ng puso ko.
"10
minutes more" sabi ni sir.
Para akong tinaningan ng buhay. Nang biglang...
"Letter
C. Yan yung tinuro ni Ma’am." Boses
na parang nagbigay liwanag sa daan kong napakadilim.
Boses
ng katabi ko. Katabi kong tinuring kong mahina. Bobo. Tama siya at
yun lang ang kailangan ko para maalala lahat. Napakadali ng mga
tanong. Naalala ko. Walang nag-aatubiling dumura ang aking mga pluma
sa papel at napakabilis kong nasagutan ang aking papel. Pero naisip
ko isa na ako sa kanila. Nangopya, nandaya.
Ganun
ba?
Ganun
nga… Tol,
number 75 naman, tanong
niya.
Parang
walang pag-aatubili kong sinagot.
"C
tol.
C!?"
Napangiti
siya. Samantalang ako, gulat sa nangyari. Pero ang gaan ng
pakiramdam. Eto nga siguro ang totoong pagiging estudyante.
Napatingin ako sa teacher namin. Ngumiti lang siya. Parang napahiya
ako. Namula. Pero taas-noo ko tong haharapin. Minsan man sa buhay ko
naramdaman ko na eto nga talaga ang buhay-estudyante, paglalakbay
bilang isang ESTUDYNTE. Hindi ko alam kung eto ba ay pakikisama,
pang-aabuso, pagkakasala, pagiging mapagbigay, pagbibigay ng
karunungan, paghahambog, pagpapakababa, pagiging isa sa kanila,
pagiging tao.
Ipinasa ko na ang aking papel. Tinignan kung lahat ng mga numero ay
may kanya-kanyang sagot. Lahat may sagot. Oo, kasi matalino ako.
Matalino rin sa ibat-ibang paraan. Matalino ngunit isa pa ring
estudyante. May pusong estudyante. May gawaing estudyante. Hindi ito
marahil ang una at huli. May darating pa. Kasi eto ang buhay
estudyante... Parte nito ang buhay KOPYAHAN.
Opisyal
na lahok para sa 2012 Saranggola Blog Awards. www.saranggolablogawards.com/