Tsapter

Lunes, Oktubre 8, 2012

Ako si Midan, laking Olongapo

    Ako si Midan Baluyut (Pen Name), laking Barretto, Olongapo. Taga Jasmin Street ako, doon kung saan ako nagkaisip, natututong magloko, mangloko, mang-away, makipagsuntukan, at minsan magpahabol ng walis tambo kay Ate Alice para patulugin. Sa lugar na ito umikot ang mundo ko, kung saan natutunan ko ang maraming bagay.
    Nakakalungkot na nga lang isipin dahil sa pagtakbo ng oras ay sya namang mabilis na pagpapabago nito. Lahat umaayon sa pangangailangan ng tao. Gayun pa man hindi nag-iiba ang pagtingin ko sa kinalakihang lugar ko. Parte kasi ito ng buhay ko, parte ng aking paglalakbay.
Pebrero 19, 1994 ng ipinanganak ang kyut na si ako. Sabi ng mama ko, sa papag lang daw ako ipinanganak, at ang masakit pa sa COKE daw ako ipinaglihi. Doon kami nakatira sa Jasmin St., mas kilala sa katawagang Rich Village, (Hindi kami mayaman, mula kasi ng ipinangak ako ay doon na talaga kami nakatira). Ang dahilan nito ay marami kasing mga kapit-bahay namin ang nakapangasawa ng Kano (AmeriKano), nagpapalahi. Doon kami sa may Gate na green, sa kilalang bentahan ng cube ice ni Kuya Darwin. Matatagpuan ito bandang dulo, papasok ng Columban College. Hindi namin gate yun, wala naman talaga kaming gate, nakikigate lang kami dahil sa looban nito ay marami pang pamilyang nakatira, at isa kami doon.
    Masaya sa lugar namin dahil sa mga taong nagbigay buhay sa aking pagkatao. May iba’t ibang karakter man ay makikita mong malaki ang parte nito sa pag-unlad ng aming lugar. Natatandaan ko ang kapit bahay naming si Mang Islaw, na kapag nakikita mo ay required kang makipag check, yung pagbabangga ng kaliwang hinlalaki. Pangongongolekta ng kaning-baboy ang gawain niya upang ipakain sa mga alaga niya. Isa din si Manang Ester na palagi naming hinihingian ng talbos ng kamote at ang asawa niyang si Tsong Domeng. Parehas silang mabait, Oo, kasi nakikita naman ito sa mga gawa nila. Yun nga lang ay parehas na din sila kinuha ng may kapal. Sila ang mga taong nagpatingkad sa istorya ng inyong bida, at iyon ay AKO.
    At katulad nga ng isang teleserye, ay may mga taong kontrbida. Ayoko silang pangalanan, pero bigyan natin sila ng initial ayon sa mga ugali nila. Sa Jasmin, meron kaming tinatawag na Gossip Thunders, ito yung mga matatanda na walang ibang magandang gawain kundi ang pag-usapan ang mga taong wala namang kinalaman sa buhay nila. Sila ang minsang pinagmumulan ng away at kontrebersyal na haka-haka sa aming lugar. Mantakin mong pati size nung kano sa amin, Alam! Meron ding Halakazams, yung pamilyang mahilig kaming sisihin dahil sa maingay nilang aso. Mahilig din kasi kaming magover da bakod sa kanila para akyatin ang puno ng bayabas sa bakuran nila ng palihim. Ang Tangna Family naman, ay yung masungit na pamilya na hindi nagpapakaroling tuwing pasko. Sila na siguro ang pamilyang pinakaKJ sa amin, hindi kumpleto ang araw nila kapag hindi nagsusungit. Wala silang kasiyahan, walang close na kapit bahay, lalo na nang binakuran nila ang lagusan ng baha sa kanila at ang resulta, ninaha ng husto ang aming lugar. Mayroon ding kaming tinatawag na Stardoms, sila yung mga EPAL na mayayaman sa amin. Porket kasi nakapangasawa ng kano, ang iba ay sige na lang sa pagsusuot ng ginto sa katawan, kahit na hindi bagay. Medyo OA sila, lalo na't pilit mag-english at madaldal. Maiinis ka na lang sa kanilang kayabanagan. Marami pa sana e, pero hindi na lang sasabihin ang iba. Baka kasi sugurin ang bahay namin at batuhin o sunugin ang bahay namin at pagbintangan akong mangkukulam.
   At siyempre, bilang bata sa aming lugar, marami ding kaming teoryang pangkabaliwan, mga kababalaghang imbento ng aming kamangmangan.
    Tulad na lamang ng bahay binansagan naming “Bahay ni Lola.” Madalas kasi kaming makakita ng liwanag sa loob nito kahit na dalwang lingo na ditong walang nakatira. Pagmamay-ari itong ng pamilyang Fajardo, na ipinipilit kong Ninong ko para bigyan ako ng Tsokoleyt tuwing pasko. May tinatawag din kaming Wawang, kung saan isang baliw na gumagala sa aming bayan na nangunguha daw ng lamang-loob.
    Naalala ko din noong naglalaro kami sa kalsada. Maraming laro, iba-iba depende sa trip namin. Mayroong tumbang-preso, text (maliliit na baraha na may mukha ng paborito naming cartoon), taching runner (habulan tapos may base), patintero, Jolens, at langit-lupa. Biyernes ang paborito naming araw dahil sa kinabukasan nito ay walang pasok. Buong araw kami maglalaro dahil pagkatapos nito ay sama-sama kaming tatambay sa tindahan ni Manang Auring, para bumili ng paborito naming Fruit Juice, yung Guyabano flavor na lasang suka. Kahit na nanllilimahid kami sa dumi at amoy-araw dahil sa paglalaro. Unahan ito, at ang kakaibang trip pa namin noon ay magpunasan ng pawis. Minsan nga nalalasahan ko ang sariling pawis, ang ALAT!
    Iba naman ang gawain namin kapag sumasapit ang panahon ng tag-ulan. Tuwing umaga at masungit ang lagay ng panahon, ay may iisang lugar kung saan kami magkikita-kita, sa gate ni Manang Neneng, katapat lang ng gate namin na Green. Dito ay magkakasundo kaming magligo sa ulan, kahit na ang iba sa amin ay tumakas lang sa kani-kanilang nanay. Habang naliligo ay siya namang paglalaro namin sa tubig-ulan dala ng baha na nanggagaling sa bundok. Minsan, gagawa kami ng bangka at papaanudin sa maputik na daanan. Paunahan ito, at ang matalo magpapapitik ng isang daang beses. Naghahanap din kami ng mga straw upang gawing tunnel. Kung paano ito ay: Una, mag-iipon ng putik upang iharang sa pagdaloy ng tubig-baha, kasabay nito ay ipapasok ang straw sa gitnang bahagi ng putik, at ang straw ang magsisilbing daluyan ng tubig. Isa itong masayang gawain dahil sa nahahasa ang aming kaalaman sa pagreresolba ng pangunahing problema ng bansa, ang baha, kahit na sa paunti-unitng paraan. Simula bata kasi ay pangarap ko nang maging isang Inhenyero. Pagandahan kami ng gawa, at siyempre bilang isang bata ay paunahan din makasira ng pinaghirapang gawin ng kalaro. Sa gitna ng galit ng ulan, ay siya naman masayang pagtatampisaw ng mga mistulang bata sa katauhan. Bawat pangyayari, bawat kaganapan, sinusulit namin. Ang bawat araw, bawat sandali na walang iniisip na problema sa buhay. Nakatingala lang kaming nangangarap.
    Nagsimulang magbago ang lahat nang tumuntong ako ng hayskul. Isang kakaibang paglalakbay ang nagpabilis ng aking kamalayan, gayon din ng aking lugar. Sa panahong iyon na kasi nagsimulang umusbong ang mga kompyuter shop sa aming lugar. At ang mga kalaro ko na dating laman ng lansangan, ay may kani-kanila nang pinagkakaabalahan. Wala na sila lahat, sa lugar na pagkikitaan, sa lugar kung saan nagsimula kami bilang bata. Iniwan na nila ang kabataan kapalit ng mapangsiil ng teknolohiya, at hindi nga nagtagal ay tuluyan ng nawala ang lahat...
    Mula Olongapo ay naglakbay ako papuntang Maynila, para makipagsapalaran. At kakaibang mukha ng lipunan ang aking nadatnan. Hindi siya tulad sa lugar kung saan ako nagsimula. Bagong tao, bagong mundo ng buhay. Ang paniniwala sa Olongapo, ang Kamaynilaan ang sentro ng pag-unlad ng bansa dahil halos lahat ng pamunuang opisina ng gobyerno ay nandirito. Isa pa’t ito ang laman lahat ng balita araw-araw. At ang maipag-patuloy ang pag-aaral dito ay isang napakalaking karangalan
    Ngunit hindi ito sa mga ideyal na iniisip ko dahil hindi tulad sa Olongapo ay mas maraming kapuna-puna. Kapansin-pansin kasi ang kahirapan at dumi ng kapaligiran. Dahil dito nagbago ng tuluyan ang tingin ko sa Maynila. Naisip ko tuloy, mas maganda pa rin pala sa Olongapo. Doon, makikita mong malinis, organisado, mababait ang tao, at higit sa lahat nagtutulungan. Kabaligtaran dito, masikip, gahaman, mandaraya, at mapaniil ang mga tao. Nagkataon pa nga na muntik na akong masaksak, mapatay…
    Minsan gusto ko nang umuwi, bumalik sa lugar ko, yung bayan ko, yung buhay ko. Nangungulila ako sa lansangang puno ng kasamaan. Ngunit kailangan matuto, kailangan makibagay, kailangang makipagsapalaran, Yun naman ang ipinunta ko dito, alamin ang tunay buhay, maglakbay. Kahit gaano kahirap, kailangan tanggapin.
    Ang mga tao, lugar, alaala, ipis, kuto, walis, tigyawat, at higit sa lahat, karanasan. Ito ang nakaloob sa aking masaganang paglalakbay. Sila ang mga bagay na nagpapatingkad sa aking pag-unlad. Inspirasyon sa likod ng aking paghihirap.
Hindi ako nagkamali, MASAYA talaga sa Olongapo. Kaya tara na, bisitahin at paunlarin!

Lahok para sa Saranggola Blog Awards 2012, www.saranggolablogawards.com