Tsapter

Linggo, Marso 4, 2012

Hinog sa Pilit


           May mga bagay talaga na kahit ayaw mo pa gawin kailangan mo nang gawin. Ayaw mo pang mangyari kailangan nang mangyari. Ayaw mo pang puntahan pero kailangan mo nang maglakbay, isa yan sa mga pagmamadali ng buhay. Mula sa pagpasa ng requirements sa eskwelahan, sa paggising mo sa umaga para pumasok sa trabaho, hanggang sa pagreply mo sa mga text ng mga taong mahal mo.
            Kailangang sumabay ka sa laro ng oras. Kung unti-unti nalalanta ang dahon ng oras sa tangkay ng panahon, ganun din naman ang bilis ng pagkaripas mo para masalo ang bawat nagsisihulugang mahahalagang segundo ng buhay natin, mabilis pero limitado ang oras. Sa akin, gusto ko pang magenjoy, gusto ko na maramdaman ang kabataan ko, pero hindi na pwede. Hindi na ako pwede bumalik sa kung ano ang napaglipasan ko, hindi na pwedeng iayon ang estado ko sa lipunan na kung ano ba dapat ang nararapat sa akin. May mga pagkakataon na gusto mo sumama sa halakhakan ng mga magkakabarkada, maglaro at magtampisaw, makipaghabulan habang may ulan, at kumain ng ice cream sa kanto at magdungisan.
            Mga pagkakataon na ayaw mo ipangloob ang damit mo at ibuka ang butones at alisin ang necktie sa leeg para makahinga sa nakakapagod na trabaho ng buhay. Magtaas at maggulo ng buhok, maghikaw na para magpacute, magrubber shoes para maiwasan ang init ng leather shoes, magpapogi sa mga taong nagugustuhan mo, sabihin na hinahangaan mo sila. Marami pa. Ayaw ko na lang isipin pa. Mas lalo lang kakainin ng pangungulila ang aking isipang minadaling hinulma ng panahon. Hindi ko naman sinisisi ang oras. Pinili ko to e. Ito ang nararapat kong gawin. Masaya naman ako kahit papaano, nakakatulong ka sa mga mahal mo sa buhay, sa mga nangangailangan at kakailanganin pa. Masasabing sakripisyo ito para sa mga taong mahal mo, siguro ito nga talaga ang reyalidad ng buhay, hindi puro saya at ayon sa ating mga kagustuhan, hindi para sa atin kundi para sa mga taong pumapaligid sa atin. Mmahirap?!!! Pero mararanasan mo rin to. Hindi man ngayon, bukas o pagkatapos ng mga ilang araw, taon, dekada, kasi alam mo hindi ka nabubuhay para sa sarili mo. Kahit hindi pa tama sa panahon. Kahit hinog ka sa pilit.

Ipako ka sa Krus!
Bwahaha...

P.S
Medyo matagal (pero matagal naman talaga) simula nung huli kong post dito. Naging busy (kahit hindi naman) at maraming proyektong pangiskul (totoo Pramis!). Hindi sa tinatamad ako, aktwali ginaganahan pa nga ako dahil sa aking panibagong inspirasyon ngayon. Sa mga susunod na buwan (bakasyon) pupunuuin ko ito ng buong taon kong eksperyens. Minsan magulo, minsan nakakaboring, minsan masaya, minsan malungkot. Buwan na din kasi ng pagtatapos, kung saan maraming nagsisipagtapos. Ipako ka sa krus!