Tsapter

Linggo, Oktubre 30, 2011

Search for the International Sand Artist...

          Madami ang nangarap at sumubok, ngunit pili lang ang nakatanggap ng oportunidad para makasali sa ganito uri ng patimpalak, ang Pakabogan ng Sand Art.
Ito ang limang pinalad na makasali:

1. "Death" ni Hudson Seinna 


2. "Circles" ni Jim Denevan


3. "Firey" ni Peter Donnelly


4. "Joy" ni Sharon Blance


At ang pinagmamalaki ng...

 
 
Ang "Firey Death in the Circles of Joy"

Bwahaha...
Ipako sa Krus!!!

Sabado, Oktubre 29, 2011

Ano na nga ba tayo ngayon?

Heto na naman ang bagong isyu ng panahon. Lumalandi na nga ba ang kabataan?

 

         Hindi ka ba nagtataka, na kapag ang isang bagay ay pinauuli-ulit ay nagiging natural na, o ayos na sa moral ng kasalukyan?
         Halimbawa na ang Korupsyon...
       Dahil sa palagiang isyu nito sa ating bansa ay tila isa na itong  parte ng ating pagkapilipino, natural na nga e. At marami ang lumalabas na may kasalanan dito. Isa na Midya na kung saan ay pinag-iinitan din ng mga kapwa midya. Kabilang din syempre ang walang kupas na Teknolohiya, Edukasyon, pangaral ng magulang, at ang indemand sa mata ng mga tamad, ang Gobyerno. At hindi din natin ito kaagad maalis dahil Natural nga e, kaya nga minsan napapaisip ako na habang tumatanda ang mundo ay marami ang namimilosopo...
     
                  "Maraming nagbabago, marami ding ginagago."  
      Yan kasi tayo. Minsan pinipilit natin ang mga bagay na hindi naman nararapat, pinipilit nating gawing tama ang mali, tsaka lalapatan ng malamang rason base sa karanasan o nakamit sa buhay. Pinapamukha natin sa tao na nagawa ko ito dahil gumawa ako ng bago sa mata nyo kahit na mali at may kalabagan sa pagigiging mabuti ng isang tao. 
        
      Sino nga naman ba ako para mag-pangaral sa mga kapwa ko kabataan. E minsan din akong naglandi. Minsan ding akong may ginawang mali. Minsan ko na ring naranasan ang buhay na inakala kong tama. Kasi bunga din ako ng modernisasyon kung saan lahat ng bagay, nagbabago.

Bwahaha...
Ipako sa Krus!!!!

Balikbayan - isang kwentong dapat pag-isipan

Tatlong malalaking pabrika ng kandila, limang paupahang gusali at dalawang mansyon. Ito ay pagaari lahat ng isang Pilipino na nananalagi ngayon sa Amerika. Isang Pilipinong tubong Pampanga na multi-milyornayo dahil na din sa kaniyang mga negosyo. Kahit todo ang kaswertehang inabot niya, hindi pa din niya tinalikuran ang pagiging Pilipino nya. Napalaki pa niya ang kaniyang anak sa napaka-Pilipinong paraan, kasama na dito ang pagkain ng lutong Filipino at pagsasalita ng Tagalog at mag I-ingles lamang kung kailangan.
            Pagod ang utak, napagdesisyunan niyang magbakasyon muna. Ang dami agad nag-alok sa kaniya ng ibat ibang destinasyon sa ibat ibang panig ng mundo pero isa lang ang nasa isip niya, ang maranasan at muling bumalik sa Pampanga. Sinasama sana niya yung asawa niya pero marami at tambak din ang trabaho nito bilang isang dentista. Walang mapapagiwanan sa bunsong anak kaya naisip na lang niyang isama niya ito at para makita din at maranasan nito kung paano ang buhay sa probinsya.
Mga madaling araw na sila nakarating sa Maynila. Dumerecho agad sila sa Pampanga. Dun na sila nag umagahan sa Pampangga. Masaya siyang tinanggap muli nung mga kamag-anak at dati niyang kaibigan. Pakiramdam niya bumalik na naman ang panahon at muli itong umuulit sa kinalalagyan niya ngayon. Kapansin pansin din ang sobrang saya ng kaniyang anak. “Ngayon ko lang nakitang ganiyang kasaya si BUNSO, lahat naman ng laruan e binibili ko sa kniya sa dun sa Tate pero iba ang saya niya dito ah” sabi niya sa tiyahin niya. “Hayaan mo na siyang magsaya at kami na ang bahala sa kaniya” sagot naman nung tiyahin niya. Sa isang bahay na gawa sa pawid ang bubong na tinuluyan nila doon. Muli, naranasan niya ang buhay probinsya, simple, walang problema, at sobrang saya. Dito, hindi na niya kailangan ng pera para sumaya.
            Ilang Linggo din ang lumipas, kailangan na niyang bumalik para din sa mga naiwang responsibilidad. Naging ma-emosyonal ang paghihiwalay ng kniyang bunsong anak at mga kamaganak nito. Pilit niyang pinigilan ang kaniyang sarili na wag ipakita ang kalungkutang nadarama niya sa anak. Halos 16 oras ang biyahe sa eroplano. Nakabalik din sila sa Amerika. Hindi pa din maipinta ang mukha ng bata. Alam niyang nagustuhan ng anak sa Pilipinas pero wala naman siyang magawa.
Kinabukasan, inabutan niya ang kaniyang asawa na nagluluto ng bacon at sausage, ilang linggo din niyang hindi natikman ang mga ito. Gawain na niyang pagkatapos kumain e lumalabas siya ng hardin, doon niya inabutan ang kniyang bunsong anak at sinalubong na siya nito ng ngiti.
“Pa, tara laro tayo ng SUNGKA!” habang masaya niyang inilalabas ang laruan na ginawa pa ng kaniyan tiyuhin sa Pampangga. Habang nilalaro niya ang bunso, dito na siya nakakuha ng tiyempo para tanungin at kumustahin ang bakasyon nila ng kaniyang anak.
“O anak nagustuhan mo ba yung bakasyon natin sa Pilipinas?” tanong niya.
“Opo pa, sobra sobra po!!” sagot naman nito.
Biglang pumasok ang kaniyang nanay “So ngayon anak naranasan mo na kung paanong mamuhay ng MAHIRAP?” mabilis na tanong ng nanay.
Inosenteng pagiisip, sumagot siya sa nanay niya.
“Meron po tayong isang alagang aso, sila meron pong 4 na aso, anim na baka, tatlong kalabaw saka 12 na manok”
“Mommy akala ko po ang laki na ng swimming pool natin, sila po ang dami nila na nagkakasya pag naliligo sa ILOG”
“Ang dami po natin mga mamahaling Lampara sa bahay, sila po mga BITUIN sa LANGIT yung makikita mo pag tumingala ka.”
“Pag po ginagamit natin yung kotse ni papa pag pumapasok ako sa school wala akong makausap, yung mga bata dun ang sasaya po nilang naglalakad papasok sa school”
“Meron po tayong mga camera nakapalibot sa labas ng bahay natin para ma-proteksyonan tayo, sa Pilipinas mga kaibigan at kamaganak nila ang nagpo-proteksyon sa kanila.”
“Maliit lang po pala tong lupain natin noh? Kasi sa Pampanga po pag lumabas ka ng bahay ang laki po ng taniman nila!!”
“Tapos pag kelangan nating kumain pupunta pa tayo sa supermarket para makatikim ng prutas saka gulay, sila po doon pumipitas na lang sa likod ng bahay nila”
“Dito po pag naglalaro ako ng video games mag-isa lang ako, doon po ang dami kong naging kaibigan. Pag naglalaro kami hindi ko na kailangan ng TV saka ng speaker, tubig lang po ang gamit namin pang guhit sa lupa nakakapag PATINTERO po kami, ang ilaw po namin yung liwanag ng buwan”.
“Kanina ang gumising sa kin yung pong alarm clock ko, sa kanila po maririnig niyo yung manok.”
“Kung gusto natin ng matahimik na lugar para kumain, dun tayo sa restaurant. Kami po ni papa dati sa ilalim ng punong mangga kumain mas matahimik.”
“Dito po kilala lang natin sila Mr. Smith saka sila Mr.White kasi katabi lang ng bahay natin e, sila po doon sa Pilipinas mga 12 po ang bahay, lahat magkakakilala.”
“Kelangan pa nating mag punta ng Aviary sa San Francisco para makipaglaro ako sa mga ibon. Doon po lalabas ka lang ng bahay ibat ibang ibon na yung nakikita at nakakalaro ko.”
..
.
Nagkatinginan ang mag-asawa. Tumahimik ng sandali, nagsalita na naman ang bunsong anak.
“Mommy, HINDI PO BA MAS MAHIRAP PA TAYO??”

Bwahaha...
Ipako ka sa Krus!!!
Medyo naging bisi ako nitong mga nakaraang linggo talaga. Kung anu-anong patimpalak kasi ang pinagtuuan ko ng Pansin. Pero ngayon, dahil Semestrial break na ay panibagong post na naman ang inilagay ko bagama't hindi sa akin pero sigurado naman akong kakapulutan nyo ng aral at mapapagisip kayo sa ipinahahayag ng kwento.
Maraming salamat nga pala sa patuloy na nagbabasa!!!

Lunes, Oktubre 10, 2011

Pliptap

Hari ng kalsada ang tawag sa kanila,
Rapper kuno na puro kakaiba,
Mga bira nilang nakakatawa,
Na kahit ulit-ulitin di nakakasawa. 

Sila-sila nagmamagaling
Sa youtube naglipana at doon nagpakita
Ng talentong tinatawag nilang tunay na makata,
Na tumeterno sa mukha pati mga salita. 

Pinauso daw ng mga rapper,
Na dating tambay na mukhang holdaper,
Tsaka na sumikat, kamakailan ay nabalita,
Bagong pride ng mga tambay sa bansa. 

Di na makakailang masayang libangan,
Ngunit dulo’t nito’y pagkasira sa panitikan,
Nanganganib pati mga moral ng kabataan,
Sa kasanayang nakakatakot kung pagiisipan.

 
Bwahaha...
~Ipako sa Krus!!!

Sabado, Oktubre 8, 2011

Pilipinas proud to be...

Ito ang mga bagay kugn bakit nakakaproud maging Pilipino,

Sa kabila ng Ulan at bagyo,  


Edukasyon at teknolohiya, 


Pangkabuhayan at pagiging wais,


Pagiging makata sa kabila ng katayuan sa buhay,

Sa tradisyon at mga kinasanayang gawain,

At higit sa lahat,
Dedikasyon para sa bayan.

Sino ba ang hindi magiging proud?
Hindi ba't mga kapwa Pilipino din?

Bwahaha...
~Ipakosakrus!!!

Huwebes, Oktubre 6, 2011

Eroplanong Papel

            “Anu yun? ang baho…”
            Tahimik pa rin ang lahat sa loob ng silid. Walang imik. Ang class president ay nasa harap, nakikiramdam ng mga kaluskos at ingay na gagawin ng mga kapwa kamag-aral. Konting galaw ay baka maisulat muli ang pangalan sa pisara. Ngunit nabasag ang katahimikan, nang umlingawngaw ang maiskandalong amoy. Mabilis kumalat ang amoy dahil sa sarado ang pinto at ang sira-sirang bintana. Napailing ang lahat. Tila may sinisipat na kung anu mula sa paligid. Tumindi pa ang amoy at nagsimula nang gumawa ng tensyon sa loob ng silid.
“Maam si Gino po napatae!”
            Ang sigaw na iyon ang lumikha ng ingay at hiyawan sa buong klase. Ang iba ay nagsipagtakbuhan palabas upang makaiwas sa  baho na nakulob loob ng silid. Lahat ay masama ang titig sa may sala.
            “Yakkk…” bulong ng ilan.
            Wala nang nagawa si Gino kundi ang umiyak. Mga ilang sigundo lamang ay kumaripas na ito ng takbo. Nasa kalagitnaan ng pagkadismaya ang buong klase nang dumating ang kanilang guro tangan-tangan ang pocket book na may cover na precious heart romances.
            “Pido, get my bag on the principal office now!” bulyaw nito sa nakatayong studyante sa harapan.
            “Class, what’s happening here?!” dugtong nito. Sa pagkakataong ito ay tumaas ang boses habang ingat na ingat madikitan ang basa pa nitong kutiks.
            “Maam si Gino po kasi…”
            “Shut up I’m not asking you!” Sigaw muli nito na halatang nagngitngit ang ngipin sa galit. Nangati ang ilong nito sa nadatnan at binigyang isang nakakatakot na tingin ang bawat isa. Nagkalat pa ring ang iniwang bakas ng nangyaring iskandalo kanina.
Si Gino ay nagtungong palikuran at sumilid sa isang bakanteng cubicle at doon ipinagpatuloy ang pag-iyak. Hindi niya lubos maisip ang nangyari, ang nakakahiya niyang ginawa sa loob ng klase.
            Ilang sandali ay bigla na lamang bumukas ang pinto ng palikuran, narinig nya ang yapak ng isang malaking tao. Napakiramdaman niya ang maingat na pagbukakas ng tila estranghero sa bawat pinto ng cubicle. Papalapit ito sa cubicle na kanyang pinaglalagyan. Ilang hakbang pa ay narating na nito ang eksaktong lugar niya. Pinilit nitong buksan ang pinto. Ilang kalampag pa ang nangyari. Tumindi ang pagtibok ng kaniyang puso. Bahagyang lumakas ang kaniyang paghikbi. Natahan na lamang siya ng biglang bumukas ang pinto…
            “Hoy! Pre gising!” isang malakas na sigaw ang gumising sa kaniyang diwa kasunod nito ang pagdapo ng isa pang malakas na hampas sa kaniyang balikat. Iniangat niya ang kaniyang ulot at pilit inaninag ang paligid.
Panaginip! Bulong niya sa sarili. Itinungkod niya ang kanyang siko upang maiangat ang ulo. Tsaka niya na lamang naalala kung nasaan siya. Sa klase. Tulala pa rin sya sa pagbalik ng kaniyang katinuan.
            Ang panaginip na iyon ay pilit siyang minumulto simula ng makapagtapos siya ng hayskul. Isang pangyayaring kahit kalimutan ay pilit pa ring nanunumbalik. Tumingin sya sa relos mag-aalas siyete na pala, kalahating oras na lamang ang kaniyang gugugulin sa loob ng malamig na silid na iyon.
            Matapos ang mahabang biyahe, ay tila gumugulo pa din sa isip nya ang naturang panaginip. Inilapag nya ang kaniyang gamit sa lamesa at nahiga sa kama. Ipinikit ang mga mata at tuluyan nang nilamon ng dilim ang kaniyang paningin…
            “O Gino, anung ginagawa mo dyan?” tanong ng lalaking pormal kung manamit, si Paul ang lalaking nasa gawing likod nya sa seating arrangement na ginawa ng guro.
            “Lumayo ka sa akin! Alam kong aasarin mo lang ako!” bulyaw nito sa lalaki.
            “Hahaha… Anung dahilan bakit kita lalaitin?” nakangiti niyang tanong.
            Natikom na lamang si Gino sa pinakitang pagmamalasakit Paul. Natatandaan niya noong nakaraang araw lamang simula nang lumipat si Paul sa kanilang paaralan galing Maynila. Sa unang araw nito ay wala itong kausap o kalaro man lang pagkauwian.
            “May dala akong ekstrang gamit dito baka gusto mong hiramin?” paputol nito sa katahimikan ni Gino.
            “Maraming salamat.” Tugon niya. Tumayo siya at nagtungong shower room ng palikuran. Pagkatapos ay nilinis ang buong katawan at lumabas suot ang damit at pantalong ipinahiram ng bagong kaibigan. Magkasabay silang lumabas ng palikuran. Bakas pa rin ang mga nandudurong na mata sa kanya. Hindi na nila ito pinanasin at tinuloy-tuloy ang paglalakad pauwi.
            Kinabukasan, ay maagang bumangon si Gino sa kaniyang higaan. Ramdam niya ang bati ng maaliwalas na umaga. Naglinis ng sarili at kinuha ang bagong uniporme at nagmadaling pumasok. Huminto siya sa harap ng tarangkahan at may tila hinintay na darating. Maya-maya pa ay dumating na ang kanyang pakay sakay ng isang ngarag-ngarag na scooter, si Paul kasama ang kanyang ama. Dali dali siyang lumapit dito at umakbay.
            “Pre, Salamat nga pala kahapon a, you save my life!” pagbati nito sa kaibigan.
            “Hehehe… Wala yun. Teka ibalik mo yung mga hiniram mo a.” ang pabirong sagot nito. At magkasabay pumasok ang dalawa.
            Recess na iyon ng mapansin ni Gino na bising bisi ang kaibigan sa kaniyang desk. Lumapit siya at nadatnan ang ilang lukot-lukot na papel. Hirap na hirap itong tiklupin ang bawat dulo ng papel. Patriangulo, parisukat at kasabay ng paglukot.
            “Anung ginagawa mo?” inosente niyang tanong.
            “Huh? E wala ito. Gusto ko lang sanang gumawa ng eroplano. Pangarap ko kasing maging piloto balang araw.” Sagot ni Paul sa kaibigan.
            “Pangarap? Piloto?”  si Gino.
            “Oo Gino, nagsisimula kasi ang lahat ng bagay sa pangangarap. Ikaw ba anung pangarap mo?” si Paul.
            “Ako? A… E… sa ngayon wala pa akong pangarap. Bata pa kasi ako. At alam kong marami pa akong magagawang kamalian sa pangangarap ko. Siguro hindi ko pa panahon para mangarap. Ang gusto ko lang ngayon ay tamasain ang mga bagay na mayroon ako. Mga bagay na nagbibigay kasiyahan sa akin. Doon na muna ako siguro tutuon.” Seryosong sagot ni Gino.
            “Hehehe… Ikaw bahala. Pero ito ang sasabihin ko sa iyo Gino. Wala sa tamang panahon, estado o edad ang pangangarap. Nasa tao yan kung kalian at paano nila maiisipang gawin ang tama at nararapat.” Pagtutol ni Paul. Bahagyang lumalim ang usapin kaya’t sumalo na rin si Gino sa paggawa ng eroplano.
            “Yan tapos na!” sigaw ni Paul at itinaas ang kaniyang likhang eroplano sa buong klase. Namangha ang lahat sa kaniyang eroplanong papel.
            “Hoy tulungan mo naman ako dito.” Pagmamakaawa ni Gino.
            “Tuturuan kita pero ikaw ang gagawa. Hindi naman tama na lahat ng nalalaman ko ay ituturo ko sa iyo. Minsan kailangan mong tumuklas ng bago para mahigitan ang nalalaman ng iba.” Pagmamalaki ni Paul.
            Mabilis natuto si Gino. Pagkatapos ng klase ay dalidali silang lumabas ng silid at pumwesto sa bandang itaas na burol. Magkasabay nilang pinalipad ang likhang eroplano na sinabayan naman ng malamig at preskong hangin. Pinagmasdan nila ang magaling na pagsunod nito sa hihip ng hangin. At tila sumagi sa isip ng dalawa ang ang pangarap na makalipad at maglakbay sa malawak na mundo.  Ilang minuto din bago ng lumapag ang eroplanong papel sa lupa.  Tulad eroplanong papel na nagpahiwatig ng pangarap ay mananatiling pangarap kung walang pagkilos at pagpapalipad muli.
Paulit-ulit nila itong ginawa sa mga bakanteng oras nila at pagkatapos ng klase. Ang burol na iyon ang naging saksi ng kanilag matibay na pagkakaibigan. Hanggang sa dumating ang araw ng kanilang pagtatapos bilang hayskul. Ang malagim na pagtatapos.
             Biyernes ng umaga noon ng pauwi sila galing sa Baccalaureate mass. Masayang nagsipaguwian ang lahat ng studyante maliban kay Paul at Gino na nagpahuli saglit dahil sa paghinihintay ng ama ni Paul. Mga ilang minutong paghihintay ang kanilang ginawa at dumating na ang kaniya ama. Nagpaalam na si Gino para sa pag aayos sa gaganaping pagtatapos kahapunan. Huminto ang scooter sa gawing gilid ng simbahan. Pasakay na sana ng sasakyan si Gino ng may rumagasang sasakyan sa kahabaan ng highway. Bumabarurot. At isang saglit isang delubyo ang naganap.  Isang  malaking van sumalpok sa sinasakyang scooter ng mag ama.
            Natuloy ang pagdaos ng programa. Bagamat isang napalaking araw para sa lahat ng estudyante ang araw ng pagtatapos ay tila habang buhay naman na panlulumo ang naramdaman ni Gino. Ang isang araw na nagpapaalala sa kaniya ng masakit na pagpapaalam mula sa kanyang tunay na kaibigan…
            Mula sa kanyang pagkakatulog, siya ay nagising. At hindi niya namalayan ang pagtulo ng luha. Kaya pala. Kaya pala paulit-ulit ang panaginip na iyon. Ang panaginip na nagpapaalala sa araw ng pagkakakilala ng isang kaibigan.
            Isang linggo na lang at magtatapos na ng pag-aaral si Gino sa kursong Piloto na isang kaibigan ang bitbit kasama ang nagiisang niyang pangarap.  Kaya pala ako nagpapatuloy dahil sa isang pangakong namutawi sa aking isipan. Ipagpapatuloy ko ang pangarap ng aking kaibigan. Ako ang magsisilbing eroplanong papel na minsan nang nangarap.
*****************
Kalaunan nadiskubreng nakainom ang driver ng sasakyang van na kumitil sa buhay ng mag ama. Ngunit mabagal ang takbo ng hustisya dahil sa hindi malamang dahilan. Nagpag alaman din sa huli na anak pala ng isang makapangyaring politiko ang nagmamaneho ng van..Hanggang ngayon hindi pa rin malinaw ang kaso at patuloy na nakikipaglaban ang nangungulilang ina ni Paul sa pagkakamit ng Hustisya.
 Lahok sa Saranggola Blog Awards 3.
www.saranggolablogawards.com
 Bwahaha...
             ~Ipakosakrus!!!